“Struggle is real” ang hinaing ng maraming kaliwete dahil tila halos lahat ng kagamitang nakikita araw-araw ay pasakit para sa kanila.
Mula sa mga armchair sa mga silid-aralan, gunting, spiral notebook, hanggang sa pagkalat ng tinta ng ballpen mula sa direksyon ng pagsulat, nakasanayan na lamang ng maraming kaliwete ang mag-adjust o kaya’y humiling ng kagamitang naaayon sa kanila.
MAKI-BALITA: Left-handers Day: Ang 'worthy opponent' ng mga kaliwete
Sa kabila ng mga balakid na ito, pinaniniwalaan ng ilan na ang mga kaliwete ay maituturing na mas matalino at malikhain.
Ayon sa pag-aaral na nakalathala sa Cornell Chronicle, umigting ang paniniwalang ito dahil sa pagiging kaliwete ng ilang kilalang personalidad sa kasaysayan tulad nina Leonardo da Vinci, MC Escher, at Jimi Hendrix.
Sa ilan pang pag-aaral ay binabanggit na sa pagiging kaliwete, nagagamit ng isang indibidwal ang dalawang panig ng kaniyang utak, na nagreresulta sa mas mabilis na pagproseso ng impormasyon.
Gayunman lumabas sa datos ng mga mananaliksik sa Cornell na isa lamang paniniwala na mas malikhain ang mga kaliwete kaysa sa mga may dominanteng kanang kamay.
Binabanggit din ng ilang eksperto na ang pagiging kaliwete ay natural na katangian ng isang tao na naaapektuhan ng kaniyang genetic at developmental process, kaya walang iisang gene sa katawan ang maituturong responsable sa pagiging kaliwete.
Sa pagpapalaki naman ng anak, ipinapaalala ng mga eksperto na ang pagbabago sa ginagamit nilang dominanteng kamay ay may kaakibat na negatibong epekto sa motor skills nito, na posibleng magdulot ng hirap sa pagsusulat at performance anxiety.
Ang itinuturing na mahalaga para sa mga eksperto ay ang maayos na paggamit ng dalawang kamay sa araw-araw at pagsuporta sa natural development ng isang indibidwal.