August 13, 2026

Home FEATURES Trending

#BalitaExclusives: Ang kuwento sa likod ng maparaang ‘DIY’ na flood barrier sa Cavite

#BalitaExclusives: Ang kuwento sa likod ng maparaang ‘DIY’ na flood barrier sa Cavite
Photo courtesy: King Nazareth Dayao

Umani ng positibong reaksyon sa social media ang pagiging maagap ng isang barangay sa Noveleta, Cavite, dahil sa kanilang “do-it-you-own” na panangga sa baha sa kasagsagan ng malalakas na pag-ulan. 

Makikita sa proyektong ito na pinangunahan ng residenteng si King Nazareth Dayao ang steel gates na haharang sa pagpasok ng tubig-baha sa tinitirhan nilang eskinita. 

Kaya papuri ng maraming netizens, higit pa raw sa flood control projects ng pamahalaan ang naging inisyatiba ni Dayao. 

Habang dismayadong saad ng ilan, dahil sa mga kasalukuyang imbestigasyon ng mga katiwalian sa pamahalaan, mga mamamayan na lang din ang gagawa ng paraan sa kasagsagan ng mga kalamidad. 

MAKI-BALITA: ‘DIY’ na panangga sa baha ng isang barangay, hinangaan!

Trending

‘DIY’ na panangga sa baha ng isang barangay, hinangaan!

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Dayao, nagtatrabaho siya bilang isang programmer at tumatanggap siya ng sirang appliances tulad ng TV at  computer bilang sideline. 

Bukod dito, ibinahagi niyang may hilig din siya sa pagkukumpuni ng electrical at “do-it-your-own” na mga kagamitan. 

Nang tanungin sa pagsisimula ng pagbubuo niya ng mga steel gate sa lugar nila sa Noveleta, ikinuwento niyang bagama’t may mga nauna nang pangharang ang barangay nila, mas ginawa pa niya itong “modern” simula noong 2022. 

Aniya pa, ang unang bumuo ng steel gate ay ang pamangkin ng asawa niya at siya naman ang nagturo paano gamitin ang mga ito at ang pagiging epektibo nito sa matataas na baha. 

“Actually ang gumawa po no’n, yung pamangkin ng asawa ko. Ako lang po yung nag-introduce paano siya gamitin, kung gaano siya ka-epektibo sa gano’ng kataas na baha,” saad ni Dayao.

“Ang layunin ko po talaga ay maipakita ano yung kalagayan namin dito sa Noveleta, sa pamilya ko, sa magulang ko. Tapos tinuro ko na rin paano gamitin yung pangharang namin sa baha,” dagdag pa niya. 

Ibinahagi rin ni Dayao na tinatayang lima hanggang anim na talampakan ang baha sa barangay nila kaya isa sa mga layon niyang solusyonan ay ang taunang pagbabaha sa kanila. 

Nang tanungin kung ilang tao ang nasa barangay nila, tinatayang nasa 500 katao raw ito, at sa eskinitang tinitirhan nila Dayao, umaabot na ito sa 50 katao hanggang sa looban. 

Nilinaw niyang sa barangay nila, kaniya-kaniya sila ng steel gate dahil sa paulit-ulit na pagbabaha. 

“Buong barangay kaniya-kaniya kami ng steel gate. Bawat bahay at eskinita dahil lagi kaming binabaha naging misyon na ng aming barangay, ang maglagay ng pangharang sa baha,” saad ni Dayao. 

Inamin naman din ni Dayao na mayroon ding kahinaan ang kinumpuni nilang steel gate, dahil nasisira pa rin ito kapag tinatamaan ng mabibigat na bagay tulad ng bumagsak na troso ng puno. 

“Minsan may kahinaan po ‘yon [steel gate] dahil may time na may dumadaang troso mula sa taas, inaanod sa kalsada bago tatama sa pader. Ayon pwede mawasak yung pader, yun papasok yung tubig sa amin,” paliwanag ni Dayao. 

Ibinahagi pa ni Dayao na hindi gumastos ang barangay nila sa mga steel gate, bagkus, ambagan nila itong mga residente at umabot sa ₱5,000 ang nagastos nila rito. 

Nilinaw rin niyang kada eskinita, iba-iba ang pangharang at ang mga residente na rito ang nag-ambagan para sa sarili nilang steel gate. 

Sa pagtatapos ng panayam, nagbigay ng maikling mensahe si Dayao sa ibang komunidad na humaharap din sa danyos dala ng paulit-ulit na pagbabaha. 

“Kung mayroon rin silang simpleng bagay na nakakapagtanggal ng baha, i-share din nila. Magtulungan tayo. Kung nagawa ng mga taga-Noveleta na padaanin ang baha sa kalsada, magagawa rin ito ng ibang komunidad basta pag-aralan saan nanggagaling yung tubig. Tapos gumawa rin sila ng pangharang, try nilang padaanin sa kalye lang tulad ng ginawa namin. Kumbaga ihatid nila saan lang dapat pumunta yung tubig,” mensahe ni Dayao.

“Sakripisyo lang po. Kaysa naman po masira yung pinaghirapan natin. Tulungan lang po at isa lang po yung layunin,” dagdag pa niya.