Hinangaan ng netizens ang “do-it-your-own” o DIY na remedyo ng isang barangay sa mataas na baha tuwing nanalasa ang malalakas na pag-ulan sa kanilang lugar.
Sa viral Facebook reel ng netizen na si King Nazareth Dayao noong Lunes, Agosto 10, mapapanood na may nagkumpuni siya at ang mga kapwa residente sa Tanza, Cavite, ng ilang pirasong steel gate na nagsisilbing panangga sa tubig-baha.
Ipinaliwanag ni Dayao sa caption na hindi papasok ang tubig-baha sa drainage nila dahil may pangharang din silang ginawa dito.
Aniya pa, kung walang baha sa eskinita nila, walang papasok na tubig sa mga banyo.
“Sa mga nagtatanong kung papasok ba tubig sa drainage,. Hindi po, kc po ang design ng drainage papasok sa looban namin ay may pangharang din. Kung walang baha sa looban wla po papasok na tubig sa CR,” saad ni Dayao sa post niya.
Bukod dito maaga rin daw sila nakakapaghanda dahil kada minuto, inaanunsyo ng mga opisyal sa barangay nila ang antas ng tubig sa karatig-ilog sa lugar nila.
“Tpos ang brgy naman nmin ang minuminuto nag announce kung ano level o critical na ang tubig sa ilog, meron po na megaphone o trumpa sa poste samin para handa po kmi lahat incase,” saad ni Dayao.
Dagdag pa niya, nagtutulungan ang bawat residente sa paglalagay ng mga harang sa kaniya-kaniyang eskinita.
Ang tubig namang mapupunta sa loob ng eskinita nila dahil sa malakas na buhos ng ilan ay mapupunta raw sa mabababang lugar at bukid.
Para maibalik sa kalye ang tubig na ito, gumagamit din daw sila ng waterpump.
“Tpos po yung tubig naman sa loob at dahil din sa malakas na ulan ay papunta po sa mababa lugar at bukid. Gumagamit din po ng waterpump para ibalik sa kalye ang tubig,” saad ni Dayao.
Sa kasalukuyan, umani na ng 5.5K reactions ang reel ni Dayao.
Dahil sa inisyatibang ito, natuwa ang netizens sa naging remedyo nina Dayao sa lugar nila.
Karamihan pa sa mga komento, sinasabing daig pa raw nila Dayao ang flood control projects ng pamahalaan.
“Angas boss ng flood control nyo.. naku malulugi nnmn mga crocs kc mura lang materiales nyan hrap kumupit”
“daig nyo pa po ang nakaflood control galing!”
“Dapat sila na contractor hehehe”
“Flood control project below 1k. Ayos!”
“Mahusay pa gwa nyo kesa gumawa ng flood control”
“Tayo nalang ang gagawa ng paraan dahil jan...kc andon n s maleta ung pera na dapat para sa pinaglalaanan janhayahay ang crocs parang wala lang...nothing happened Tayo nlang mag adjust…”