May bagong president at CEO ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) kasunod ng pagtalaga kay Dr. Beverly Lorraine C. Ho ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr noong Martes, Agosto 11.
Kasabay ito ng malaking pagbabago sa liderato ng health sector matapos namang italaga ni PBBM si dating PhilHealth president at CEO Dr. Edwin Mercado bilang bagong kalihim ng Department of Health (DOH).
Nanumpa sina Mercado at Ho sa kanilang bagong posisyon noon ding Martes.
Pinalitan ni Mercado si Dr. Jose “Brix” Pujalte Jr., na nagbitiw bilang kalihim ng DOH dahil sa umano't health concerns. Si Pujalte ay itinalaga lamang noong Hulyo, kaya ang paglipat kay Mercado ay nagresulta sa panibagong pagbabago sa pamunuan ng kagawaran sa loob lamang ng maikling panahon.
Sino si Beverly Ho?
Hindi na bago sa health sector si Ho dahil bago siya italaga sa PhilHealth ay nagkaroon na siya ng iba't ibang posisyon sa DOH.
Ayon sa mga ulat at available na detalye sa iba't ibang health-related websites, kabilang sa kaniyang naging tungkulin ang pagiging assistant secretary at undersecretary ng DOH, direktor ng Health Promotion Bureau at Disease Prevention and Control Bureau, at special assistant ng health secretary para sa Universal Health Coverage.
Naging bahagi rin siya ng PhilHealth Board bilang alternate representative at chair ng Benefits Committee.
May matibay din siyang academic background sa public health. Nagtapos siya ng Doctor of Medicine sa University of the Philippines (UP) Manila at kumuha ng Master in Public Health sa Harvard T.H. Chan School of Public Health. Cum laude naman siyang nagtapos ng BS Biology sa UP Diliman.
Kabilang sa kaniyang mga natanggap na pagkilala ang Leadership Award in Public Health Practice mula sa Harvard T.H. Chan School of Public Health noong 2024, pati ang pagkilala bilang Ten Outstanding Young Men (TOYM) at Ten Outstanding Young Women for Nation Service noong 2022.
Mula DOH patungong PhilHealth
Ang pagtalaga kay Ho sa PhilHealth ay naglalagay sa isang beteranong public health official sa pamumuno ng ahensiyang may malaking papel sa pagpapatupad ng universal health care.
Samantala, ang paglipat naman ni Mercado sa DOH ay nangangahulugang parehong may malawak na karanasan sa health sector ang dalawang bagong lider na ngayon ay hahawak sa dalawang magkakaugnay na institusyon—ang kagawaran na nangunguna sa pambansang health policies at ang PhilHealth na nagpapatakbo ng national health insurance program.
Dahil dito, inaasahang magiging mahalaga ang koordinasyon nina Mercado at Ho sa mga usapin ng universal health care, health financing, disease prevention, public health programs at PhilHealth benefits habang nagsisimula ang panibagong yugto ng pamumuno sa health sector.