Nag-ko-commute ka rin ba kapag papasok sa eskuwelahan o sa trabaho? O may tagahatid ka patungo sa lahat ng pupuntahan mo?
Marahil maraming mga Pinoy ang makaka-relate hinggil sa usapin ng pagsakay sa mga pampasahero at pampublikong sasakyan, sapagkat ito ang kadalasang paraan upang makapasok ang karamihan sa eskuwelahan o sa trabaho.
May kaugnayan dito ang kuwentong matutunghayan sa viral TikTok post ng uploader na si “Nard,” kung saan mapapanood ang tila reunion nila ng kaniyang service na tricycle driver noong siya ay high school pa lamang.
Sa nasabing TikTok post, sinabi niyang nakasakay ulit siya sa kaniyang service matapos ang higit isang dekada.
“POV: Nakasakay ulit ako sa service ko noong high school after 10 years,” saad niya sa video.
“Saludo sa lahat ng tricycle drivers na patas na lumalaban sa hamon ng buhay,” dagdag pa niya.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Nard Valiente, 26-anyos mula sa Taytay, kinilala niya ang kaniyang service na si Rodel Gazmen o “Kuya Joker,” 45 taong gulang.
Paglalahad ni Valiente, gayong on and off ang pagiging service sa kaniya ni Gazmen noong siya ay high school, ito raw ang kadalasang nagsusundo sa kaniya pauwi—kung kaya’t masasabi niyang bahagi na ito ng kanilang routine at buhay habang sila ay pumapasok pa sa paaralan.
“On and off na po since high school. Pero most of the time, sa kaniya po ako sumasakay kapag pauwi. Kaya masasabi kong matagal na rin po siyang naging parte ng routine at buhay namin noong nag-aaral pa kami,” saad ni Valiente.
Inilarawan niya rin si Kuya Joker bilang isang masayahin at mabait na tao. Aniya, parang ama na rin ang turing nila dito sa tagal na nila itong kilala.
“Mabait at masayahin po si Kuya Joker. Kapag sumasakay kami sa kaniya, lagi siyang nakangiti at mahilig makipagkuwentuhan. Magaan siyang kausap kaya hindi rin naging mahirap na maging close kami sa kaniya. Sa tagal na rin naming magkakakilala, parang tatay na rin po ang turing namin sa kaniya,” aniya.
Isiniwalat niya rin ang dahilan sa likod ng pagbabahagi niya ng kanilang kuwento ni Kuya Joker.
“Isa sa mga sinabi sa akin ni Kuya Joker noon ay, ‘Sana yung sipag ko sa pagtatrabaho, gano’n din yung sipag ko sa pag-aaral.’ Para sa akin, napakasimpleng salita lang nito, pero may malaking aral para sa maraming kabataan. Magandang paalala na mahalaga ang pag-aaral at dapat nating pahalagahan ang mga pagkakataong meron tayo ngayon,” aniya.
“At the same time, gusto ko rin pong maipakita na minsan, maganda ring balikan at kilalanin yung mga taong naging parte ng journey natin. Kasama sila sa mga maliliit na bahagi ng buhay natin na nakatulong para makarating tayo sa kung nasaan tayo ngayon,” dagdag pa niya.
Sa huli, ibinahagi ni Valiente ang kaniyang mensahe para sa dati niyang service na tricycle driver.
“Salamat, Kuya Joker. Salamat sa pag-iingat at paghatid sa amin nang ligtas noong mga panahong nag-aaral pa lang kami. Siguro hindi mo rin alam kung gaano kalaki yung naging parte mo sa mga simpleng alaala ng kabataan namin,” saad niya.
Aniya, “Sana mas dumami pa ang blessings na dumating sa’yo at sa pamilya mo. Deserve mo po iyon. At sana, kahit saan man tayo dalhin ng buhay, hindi mo makalimutan na may mga taong nagpapasalamat at nakakakita sa kabutihan at sipag mo.”
“Maraming salamat, Kuya Joker,” pagtatapos ni Valiente.
Sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, nakalikom na ang nasabing viral TikTok video ng 1.7 million views, 325k hearts, 1,033 comments, at 12.7k shares.