Kinikilala ng Fortun Narvasa & Salazar law firm bilang “fierce litigator,” si Atty. Sheila Sison ang nakatakdang manguna sa 16 abogadong magdedepensa kay Vice President Sara Duterte sa nakatakda niyang impeachment trial sa Hulyo 6.
Bago ang inaabangang paglilitis sa Senado, umandar na ang pre-trial conference rito noong Hunyo 18, na ikinasa ng kampo ni Duterte, sa pangunguna ni Atty. Michael Poa at House prosecution panel, sa pangunguna ni Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro.
Sa pre-trial na ito, isa sa maiinit na naging usap-usapan ay ang pagkalat ng bali-balitang nasapawan umano ng kampo ni Duterte si Luistro, na mariing pinabulaanan ni House prosecution panel at Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon.
“Nandoon po ako mula noong umpisa hanggang sa pinadulo po ng 5:00 ng hapon. Wala pong nangyari na pag-a-outshined, pag-outgunned, pagkain nang buhay kay Congresswoman Luistro,” ani Ridon.
Saad pa niya, “ang tanong po namin sa nagpakalat ng ganoong kuwento, saang planeta nangyari ‘yan pong bagay na ‘yan?”
MAKI-BALITA: Rep. Ridon, sinopla tsismis na 'kinain nang buhay' ng VP Sara camp si Rep. Luistro!
Pagsegunda ni Clerk of Court at Senate Sec. Renato Bantug, Jr., noong Hunyo 22, normal na ang sagutan tuwing naghaharap ang mga abogado at ang tanging masisigurado lamang nila ay namahagi sila ng lumpia sa dalawang kampo.
Kaya muling pagdidiin ni Bantug, totoong may mga naganap na sagutan sa pagitan ng mga abogado ngunit maituturing pa rin itong normal na pagpapalitan ng mga pahayag.
MAKI-BALITA: Sec. Bantug, sinopla ‘kainan nang buhay’ ng VP Sara camp vs House panel
Nito namang Lunes, Hunyo 22, personal na pinabulaanan ni Luistro ang umano’y sapawan o “kainan nang buhay” na naganap sa pre-trial conference sa kadahilanang hindi umano handa ang House prosecution panel sa pakikipagdiskusyon sa kampo ni Duterte.
“We are not struggling. We are very much prepared. But as I have said, it has been our position to have this pre-trial conference in an expeditious manner,” ani Luistro.
Saad pa niya, mas nilayon nilang tukuyin ang kanilang agenda sa unang araw ng pre-trial noong Hunyo 18 dahil hindi naman daw mareresolba ng Clerk of Court ang inapelang manipestasyon ng kampo ni Duterte.
“So regardless of the manifestation that was raised by the Defense, including counter stipulation, we maintained our position that that cannot be resolved by Clerk of Court and therefore we should proceed immediately to the agenda of the pre-trial conference,” paglilinaw ni Luistro.
MAKI-BALITA: 'We are not struggling!' Rep. Luistro, dumepensa sa isyung 'di handa' sa pre-trial
Sa kabila ng mga kumalat na haka-hakang ito at nalalapit na impeachment trial ng bise presidente, kilalanin kung sino nga ba si Sheila Sison, na gumagawa na ng ingay ngayon sa politika:
Bukod sa pagiging “fierce litigator,” si Sison ay inilarawan ng kinabibilangan niyang Fortun Narvasa & Salazar law firm, bilang abogado na nakatuon sa pag-abot ng kahusayan upang matiyak na makakamtan ng kaniyang kliyente ang hustisya, habang pinoprotektahan ang din karapatan sa buhay, kalayaan, at pag-aari nito.
Kaya binanggit pa na ang mga sinusuong na mga kaso ni Sison ay ang tipo ng mga sagupaang hindi nilulusob ng mga ordinaryong abogado.
EDUKASYON
Ngunit bago makilala sa industriya ng abogasya, si Sison ay nakapagtapos ng Bachelor of Arts in Communication Arts, Major in Writing, sa University of the Philippines Los Baños.
Habang ang kaniyang Bachelor of Laws ay natapos niya sa San Sebastian College of Law – Recoletos, kung saan, siya ay nakapagtapos din bilang “Academic Scholar of the Recoletos Order.”
Sa mga taon din ng pag-aaral niya sa abogasya, si Sison ay consistent Dean’s Lister at nakapagtapos bilang Class Valedictorian.
Dito ay ginawaran pa siya ng Academic Excellence Medal of Honor ng Recoletos Educational Apostolate of the Philippines.
IBA PANG PAGKILALA
Ayon pa sa sa Fortun Narvasa & Salazar law firm, si Sison ang kanilang naging Lawyer of the Year sa loob ng limang taon, mula 2015 hanggang 2019.
Bilang abogado, ang kaniyang specialization ay criminal litigation.
Bukod dito, mayroon din siyang malawak na kaalaman at kasanayan sa civil litigation, family law, appellate practice, labor law, mining law, at corporate law.
Samantala, narito ang mga sumusunod ang pangalan ng iba pang abogado sa kampo ni Duterte, alinsunod sa kopya ng Appearance – Ad Cautelam, na inilabas ni Senate impeachment court spokesperson Reginald Tongol, noong Hunyo 16:
1. Philip Sigfried Fortun
2. Gregorio Narvasa
3. Carlo Joaquin Narvasa
4. Roberto Batungbacal
5. Justin Nicol Gular
6. Lindon Miguel Bacquel
7. David Ronell Golla VII
8. Maria Selena Golda Fortun
9. Claraine Radoc
10. Francesca Marie Flores
11. Miguel Carlos Fernandez
12. Michael Wesley Poa
13. Reynold Munsayac
14. Mark Vinluan
15. Ralph Bodota
MAKI-BALITA: Sino-sino nga ba ang 16 na abogadong dedepensa kay VP Sara sa impeachment trial?