July 23, 2026

Home BALITA National

Rep. Ridon, sinopla tsismis na 'kinain nang buhay' ng VP Sara camp si Rep. Luistro!

Rep. Ridon, sinopla tsismis na 'kinain nang buhay' ng VP Sara camp si Rep. Luistro!
File Photo

Pumalag ang miyembro ng House prosecution panel at Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon sa mga bali-balitang kinain umano nang buhay ng kampo ni Vice President Sara Duterte si lead public prosecutor at Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro sa naganap na pre-trial conference noong Huwebes, Hunyo 18, 2026. 

Sa naging pahayag ni Ridon sa panayam sa kaniya ng isang TV station nitong Sabado, Hunyo 20, pinabulaanan niyang naungusan ng kampo ni VP Sara si Luistro dahil dumalo raw siya mula sa simula hanggang sa matapos ang naturang pagdinig. 

“Nandoon po ako mula noong umpisa hanggang sa pinadulo po ng 5:00 ng hapon. Wala pong nangyari na pag-a-outshined, pag-outgunned, pagkain nang buhay kay Congresswoman Luistro,” pagsisimula niya.  

Giit ni Ridon, “Parang hindi po mangyayari ‘yon.” 

Buwelta ni Ridon, saan daw kayang planeta nangyari ang mga kumalat na balitang naangatan ng kampo ni VP Sara si Luistro. 

National

Atty. Taran ng KWF, panatag sa epekto ng AI data centers sa mga katutubong wika

“Ang tanong po namin sa nagpakalat ng ganoong kuwento, saang planeta nangyari ‘yan pong bagay na ‘yan?” kuwestiyon niya. 

Ani Ridon, lumpia lang daw ang totoong kinain ng dalawang panig na mga dumalo sa naturang pagdinig dahil sa masarap na hinain sa kanila ng Senate Impeachment Court. 

“Wala pong kinain nang buhay. Ang alam ko, may kumain ng lumpia kasi masarap po ang hinain ng Senate Impeachment Court doon sa dalawang panig,” pagtatapos niya. 

Matatandaang ikinasa ng kampo ni VP Sara sa pangunguna ni Atty. Michael Poa at House prosecution panel sa pangunguna ni Luistro ang pre-trial conference kaugnay sa Senate impeachment trial laban sa Bise Presidente. 

Samantala, nakatakda namang pormal na magsimula ng impeachment trial laban sa mga alegasyong kinakaharap ni VP Sara sa darating na Hulyo 6, 2026. 

KAUGNAY NA BALITA: 'Walang maisagot, iniiwasang sumagot!' Rep. Zia Adiong, tinira kampo ni VP Sara!

KAUGNAY NA BALITA: House Prosecution Panel, pabor kay Sen. Gatchalian bilang presiding officer sa impeachment!