July 14, 2026

Home BALITA National

House Prosecution Panel, pabor kay Sen. Gatchalian bilang presiding officer sa impeachment!

House Prosecution Panel, pabor kay Sen. Gatchalian bilang presiding officer sa impeachment!
Photo courtesy: HOR, Senate of the Philippines

Kinikilala umano ng mga miyembro ng House Prosecution Panel ang pamumuno ni Senate President Pro Tempore Sherwin “Win” Gatchalian kaugnay sa nakatakdang impeachment trial ng Senado laban kay Vice President Sara Duterte. 

Matatandaang tumayo bilang Senate President Pro Tempore at acting Senate President si Gatchalian sa Senado nang makakuha sila ng quorum sa pamamagitan ng 12 na bilang ng mga senador noong Hunyo 3, 2026. 

Sa naging pahayag naman ng isa sa miyembro ng House Prosecution Panel na si Manila 3rd District Rep. Joel Chua sa isinagawa nilang press conference sa “Saturday News Forum” nitong Sabado, Hunyo 13, ipinaliwanag muna niyang ang Chief Justice ng Korte Suprema raw ang tumatayong presiding officer sa impeachment trial kung ang Presidente ng Pilipinas ang lilitisin. 

“Based po doon sa dating rules, kapag ang Presidente po ang nililitis sa impeachment, automatic, ang Chief Justice,” pagsisimula niya. 

Ani Chua, ang nakaupong Senate President naman daw ang inaasahang uupo bilang presiding officer sa impeachment trial kung Bise Presidente, Ombudsman, miyembro ng Korte Suprema at iba pa ang lititisin. 

National

Sen. Mark Villar naghain ng resolusyon para parangalan si Alex Eala

“Kapag hindi po ang Presidente ng Pilipinas, all other impeachable officers like the Vice President, Ombudsman, members of the Supreme Court or Constitutional Commission, ang uupo doon ay ‘yong Senate President,” aniya. 

Giit naman niya, “Pero naalala ko po, ‘yong huling sesyon po ng Senado, inamyendahan nila ‘yong kanilang rules kung saan pagbobotohan nila kung sino ang uupo bilang presiding officer.” 

Paglilinaw ni Chua, maaari din naman daw na si Gatchalian ang kasalukuyang kinikilalang Senate President ngunit may posibilidad na hindi ang huli ang uupo bilang presiding officer. 

“Puwede pong si Senate President Win Gatchalian ang Senate President na nire-recognize ngayon pero hindi siya ‘yong uupo bilang presiding officer. Posible po ‘yon,” ‘ika niya. 

Pagpapatuloy ni Chua, malinaw naman daw na si Gatchalian ang kinikilalang Senate President ng mga mambabatas mula sa Kamara at mga miyembro ng House Prosecution Panel. 

“Sa parte po namin, sa House at sa Prosecution Panel, ang nire-recognize po namin ay ‘yong leadership ngayon ni Sen. Win Gatchalian,” pagtatapos niya. 

Nakatakdang magsagawa ng pre trial ang Senate Impeachment Court sa darating na Hunyo 18 para isapinal ang mga ebidensya, procedural rules, at listahan ng mga tatayong testigo laban kay VP Sara. 

Sa Hulyo 6, 2026, naman ang pormal na pagsisimula ng impeachment trial laban sa Bise Presidente. 

KAUGNAY NA BALITA: Impeachment trial ni VP Sara, raratsada sa July 6!—Sen. Erwin