May 21, 2026

Home BALITA

Impeachment trial ni VP Sara, raratsada sa July 6!—Sen. Erwin

Impeachment trial ni VP Sara, raratsada sa July 6!—Sen. Erwin
Photo courtesy: File photo

Inaasahang sisimulan sa Hulyo 6 ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte matapos ang isinagawang caucus ng mga senador, ayon kay Sen. Erwin Tulfo nitong Huwebes, Mayo 21, 2026.

Sa panayam sa programang Unang Balita ng GMA News, sinabi ni Tulfo na tinalakay na ni Senate President Alan Peter Cayetano ang schedule ng impeachment proceedings sa mga miyembro ng Senado.

“Nagbigay na po ng schedule kahapon. Ipinatawag po ng caucus of all members ni SP Cayetano at July 6 po ang umpisa ng ika nga impeachment trial,” ani Tulfo.

Ayon kay Tulfo, magkakaroon muna ng regular session ang Senado tuwing umaga bago idaos ang impeachment trial sa hapon mula Lunes hanggang Miyerkules.

“Monday po, may session kami sa umaga, 10 to 1. At pagkatapos po noon 2 o’clock to sawa ng Monday ay yun na po yung impeachment trial. Tuesday, Wednesday ganun din po. Three o'clock po mag-uumpisa ng hapon hanggang gabi. And then Thursday, puro session lang po,” paliwanag pa niya.

Dahil sa ‘occasional fall:’ FPRRD, naka-detention monitoring sa ICC

Samantala, tumutol si Tulfo sa mungkahi ni Sen. Rodante Marcoleta na pahintulutang makaboto si Sen. Ronald dela Rosa sa impeachment proceedings kahit hindi ito pisikal na makadalo dahil sa kinahaharap nitong warrant mula sa International Criminal Court (ICC).

“Marami po sa amin, kami po sa minorya, hindi po sasang-ayon diyan. Kailangan po physically present,” giit niya.

Ipinaliwanag din niya na tanging noong panahon lamang ng Covid-19 pandemic pinayagan ang remote participation dahil sa umiiral noon na lockdown restrictions.

Dagdag pa ni Tulfo, naghihintay pa ang mga senador ng magiging direksyon mula kay Cayetano at sa liderato ng Senado kaugnay sa magiging tugon ng kapulungan matapos ibasura ng Korte Suprema ang hiling ni Dela Rosa na temporary restraining order laban sa ICC warrant.

MAKI-BALITA: Sen. Bato, 'di pwedeng umattend ng impeachment trial via online!