Inihayag sa publiko ni dating senador Antonio “Sonny” Trillanes IV na wala raw siyang natatanggap na anomang pormal na imbitasyon mula kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., para tumakbo sa susunod na eleksyon sa 2028.
Ayon sa naging panayam ng isang TV station kay Trillanes nitong Sabado, Mayo 30, 2026, sinabi niyang hindi raw niya kinokonsidera o wala raw siyang planong tumakbo sa susunod na halalan.
“Wala pong formal offer for [2028 national election],” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “No. I don’t intend to run these coming elections pero tutulong ako sa mga karapat-dapat na kandidato sa 2028.”
Diin ni Trillanes, kasalukuyan daw niyang sinusuportahan at ng grupo nilang Magdalo si Sen. Risa Hontiveros para sa posisyon ng pagiging Pangulo sa susunod na eleksyon.
“Sa ngayon, ang sinusuportahan namin ay si Sen. Risa Hontiveros,” aniya.
KAUGNAY NA BALITA: Magdalo, itutulak presidential bid ni Sen. Risa!
Matatandaang makailang ulit nang sinabi ni Sen. Risa ang kahandaan niya sa pagtakbo bilang Pangulo sa 2028.
KAUGNAY NA BALITA: 'I remain willing! Sen. Risa, nananatiling bukas tumakbong Pangulo sa Halalan 2028!
Bukod pa sa Magdalo, matatandaan ding tuluyan nang sinemento ng Akbayan Partylist ang kanilang suporta sa kandidatura ni Sen. Risa at sinabi nilang kinikilala raw nila ang lumalakas na panawagan para sa pagkandidato ng naturang senador.
KAUGNAY NA BALITA: Akbayan, suportado pagkapangulo ni Sen. Risa sa 2028