Naniniwala ang Department of Transportation (DOTr) na kailangan talagang itaas ang pamasahe dahil sa patuloy pa rin na pagtaas ng presyo ng produkto sa petrolyo.
Ayon sa naging pahayag ni DOTr Acting Secretary Giovanni Lopez nitong Lunes, Marso 16, sinabi niyang layunin daw ng fare hike na panatilihin ang sustainability at stability sa transportasyon ng bansa.
“Kami po, sa tingin namin, kailangan pa rin ‘yong fare hike,” pagsisimula niya, “ Sabi ko nga, for sustainability and stability later on.”
Ani Lopez, kuwenta raw nilang tatagal lamang sa loob ng dalawang linggo ang budget ng publiko sakali mang magbigay sila ng ₱10,000 subsidiya.
“Alalahanin n’yo po itong sinasabi natin na subsidy, may mga computation kami, e. Kapag sampung libong subsidiya, baka it will last only two weeks,” aniya.
Matatandaang inanunsyo ng DOTr kasama ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) nito ring Lunes na tinatayang aabot sa humigit-kumulang 139,000 tricycle drivers umano mula sa Metro Manila ang mababahagian ng ₱5,000 fuel subsidy simula Marts, Marso 17, 2026.
KAUGNAY NA BALITA: 139k tricycle drivers sa NCR, inaasahang tatanggap ng ₱5k fuel subsidy simula Marso 17
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Ano nga ba ang requirements para sa pagkuha ng ₱5K fuel subsidy sa Marso 17?
Pagpapatuloy ni Lopez, layunin daw ng pag-aanunsyo nila sa pagtataas ng pamasahe na matugunan ang kinakaharap na problema ng iba’t ibang mga transport group.
“Itong binibigay naman nating fare hike, ‘yong inaaprubahan nating fare hike, this is more of a… ‘yong ongoing concern pagdating sa ating mga transport group,” saad niya.
Pagtitiyak ng kalihim, sisiguraduhin umano nilang magiging resonable at abot-kaya para sa mga commuters ang iaanunsyo nilang fare hike.
“Then again ‘yong [pamasahe], kailangan talagang reasonable at talaga namang kaya ng ating mga commuters,” pagtatapos pa niya.
Sa kabila nito, inanunsyo naman ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang patuloy na pagpatrolya at pag-monitor sa mga gasoline station na mananamantala sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Ugat umano nito ang mga reklamong natatanggap nila sa publiko dahil sa ilang mapagsamantalang gasolinahang agad na nagtaas ng presyo sa produktong petrolyo.
"We, in the PNP fully understand the situation that gas station owners face amid the challenges brought by the situation in the Middle East. But if the sudden closure is for illegal scheme, then expect police action on this matter," pagdidiin ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr., noong Linggo, Marso 15, 2026.
KAUGNAY NA BALITA: PNP, patuloy sa pag-monitor ng mga abusado sa presyo ng petrolyo
KAUGNAY NA BALITA: Transport strike, ikakasa ng PISTON sa Marso 19!