April 19, 2026

Home BALITA Metro

139k tricycle drivers sa NCR, inaasahang tatanggap ng ₱5k fuel subsidy simula Marso 17

139k tricycle drivers sa NCR, inaasahang tatanggap ng ₱5k fuel subsidy simula Marso 17
Photo courtesy: DSWD


Tinatayang aabot sa humigit-kumulang 139,000 tricycle drivers mula sa Metro Manila ang mababahagian ng ₱5,000 fuel subsidy sa darating na Martes, Marso 17.

Kaugnay ito sa inanunsyong tulong-pinansyal ng pamahalaan para sa mga apektadong sektor ng krisis sa produktong petrolyo, bunsod ng patuloy na tensyon sa mga bansang nasa rehiyon ng Gitnang Silangan.

Sa joint press briefing na ikinasa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Transportation (DOTr) nitong Lunes, Marso 16, inilahad ni DSWD Sec. Rex Gatchalian ang iba pang impormasyon hinggil sa distribusyon ng nasabing fuel subsidy.

“Alam ko over the weekend, maraming katanungan tungkol sa upcoming na pagbibigay ng cash relief assistance sa ating mga tricycle drivers tomorrow,” panimula ni Gatchalian.

“We just wanna say na tomorrow magsisimula na ho tayo as initially planned. We will be able to finish the assistance, [for] tricycle [drivers], by Thursday,” aniya.

“Ang global pa rin natin na target based on local government units is a 139,000 na mga NCR-based tricycle drivers. Each one will get ₱5,000. We are going to operate in 30 identified sites across 17 LGUs. The kickoff time will be 6 a.m,” dagdag pa niya.

Sinabi rin ng kalihim na mabilisan lang daw ang magiging distribusyon ng tulong-pinansyal.

“Now what have we’ve done since last Tuesday ‘til tomorrow, mamaya, is ayaw natin maantala ‘yong biyahe tomorrow kaya mabilisan po ‘to. Meaning, they’ve already submitted their basic information—so dinu-duplicate na namin…so tomorrow, payout na lang talaga. They’ll come in, we give them the ₱5,000, they go back to the line,” anang kalihim.

Aniya, “Nakiusap din kami sa ating mga local government units na sila na [ang] mag-schedule no’ng pacing. Kasi nga, while we wanna help, we don’t want to cause naman na walang tricycle sa mga pila bukas.”

Isiniwalat din ni Gatchalian na mayroong morning batch at afternoon batch para sa pamamahagi ng fuel subsidy sa nabanggit na 30 payout sites sa buong Metro Manila.

Panawagan naman niya sa mga tricycle drivers, huwag daw pupunta sa payout sites kung hindi pa nila schedule—at sumangguni sa kinabibilangang LGU para sa ibang impormasyon patungkol dito.

Sa parehong press briefing, inilahad din ni Gatchalian na kinokonsidera din nila ang pamamahagi ng nasabing tulong-pinansyal sa pamamagitan ng paggamit ng e-wallets.

“I can say na yes, we wanna do the digital format na e-wallets pero we really have to consider the nature of the sector na napakabilis ng turnover,” saad ni Gatchalian.

MAKI-BALITA: Paggamit ng e-wallet para sa ₱5k fuel subsidy ng mga tsuper, kinokonsidera-Balita