April 13, 2026

Home BALITA

Paggamit ng e-wallet para sa ₱5k fuel subsidy ng mga tsuper, kinokonsidera

Paggamit ng e-wallet para sa ₱5k fuel subsidy ng mga tsuper, kinokonsidera
Photo courtesy: DSWD, MB


Ibinahagi ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na tinitingnan din nila ang posibilidad ng paggamit nila ng e-wallet o online transaction upang maipamahagi ang ₱5,000 fuel subsidy ng pamahalaan sa mga tsuper na lubos na apektado ng krisis sa produktong petrolyo.

Sa isang press briefing kasama ang kalihim ng Department of Transportation (DOTr) na si Giovanni Lopez at Chairman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na si Atty. Vigor Mendoza II nitong Lunes, Marso 16, inisa-isa rin ni Gatchalian ang aniya’y risk ng online transaction bilang paraan ng pamamahagi ng subsidiya.

“It always is naman like in the case of our 4Ps beneficiaries—we’ve already moved to GCash. Pero ito kasi, you have to remember, ‘yong sa tricycle drivers, a lot of them changes regularly. Minsan ngayon, pumapasada siya… so maaari siya ay nilagay natin sa database, isyuhan ng online account or ng e-wallet pero baka hindi na naman siya ‘yong susunod. So, we run the risk of crediting sa hindi na benepisyaryo,” saad ni Gatchalian.

Aniya, “Kasi natuklasan ko kahapon, nag-ikot ho kami sa iba’t ibang mga terminal… ang tricycle mabilis talaga…ako naging mayor ako…mabilis magpalit e. Maaari naibenta, driver operator ako, akin ‘yong motor [at] ako rin namamasada—pero ayaw ko na, ibinenta ko. ‘Pag binenta niya kasi, mabilis ‘yong transaction sa local e. So, we really have to figure out a way to capture these regularly.”

Gayumpaman, inamin ng kalihim na nais din nilang gawing online ang pamimigay ng ayuda, ngunit dapat pa rin daw ikonsidera ang “nature” ng sektor ng pamamasada.

“In fact, in most LGUs, annual ‘yong updating rin nila. Pero even if annual, may mga nagpapalit na benepisyaryo sa gitna. I can say na yes, we wanna do the digital format na e-wallets pero we really have to consider the nature of the sector na napakabilis ng turnover,” anang kalihim.

Natanong din si Gatchalian sa physical payout ng nasabing fuel subsidy mula sa pamahalaan.

“Safest and we don’t run the risk na nagke-credit tayo sa isang tao na maaring namatay na pero nasa database natin,” aniya.

“So, ayaw natin mangyari ‘yong natutulog ‘yong pondo. Kaya, ito physical siya pupunta pero ‘yong payout as I mentioned, 30 payout centers ‘yon in Metro Manila. So, madali nilang puntahan ‘yon. Kami na ang lumapit sa kanila, and the LGUs are helping us also,” pagtatapos ni Gatchalian.

Magsisimula na sa Martes, Marso 17, ang pamamahagi ng ₱5,000 fuel subsidy para sa mga apektadong sektor ng pagtaas ng presyo ng krudo sa Metro Manila—kung saan uunahing pamahagian ang mga tricycle drivers.

MAKI-BALITA: ₱5k subsidy, ipamamahagi sa mga apektadong sektor ng pagtaas ng presyo ng krudo-Balita