“Hulog ng langit” na maituturing ng mga magulang ang kanilang mga anak dahil kadalasan ang mga ito ang nagbibigay kulay sa kanilang tahanan.
Kaya gayun na lamang ang pag-iingat nila sa kanilang mga anak simula pa lamang sa pagdadalang-tao hanggang sa maging sanggol ito.
Dahil dito, narito ang ilan sa mga kilalang paniniwala sa pag-aalaga ng kanilang sanggol:
Pagbabawal na ilabas sa gabi
Sa paniniwalang ito, madalas marinig sa mga magulang ang mga katagang, “wag nang ilabas ang bata sa gabi, baka mahamugan.”
Dahil pinaniniwalaan dito na ang malamig na hangin sa gabi ay nagdudulot ng sipon at lagnat sa sanggol.
Paglalagay ng sinulid sa noo tuwing sinisinok
Para sa ilang mga magulang o kaya’y lolo at lola, nakatutulong ang pagbabasa ng isang hibla ng sinulid at pagdidikit nito sa noo ng sanggol upang matigil ang pagsinok nito dahil anila, nagsisilbi itong distraction na pumuputol sa cycle ng pagsinok.
Pagkurot sa ilong
Ang pagkurot sa ilong ng sanggol, partikular ang gitnang bahagi nito ay pinaniniwalaang nakapagpapatangos ng ilong habang lumalaki ito, dahil sa mga panahong bata pa ang sanggol, malambot pa ang mga buto nito at pinaniniwalaang madali pang mababago ang korte ng ilong.
Paglalagay ng laway sa sanggol
Kilala rin bilang “puwera-usog,” ang paniniwalang ito ay kumokontra sa “usog” o masasamang bati na nagdudulot ng pagkakasakit.
Kadalasan itong ginagawa sa pagpapahid na kakaunting laway sa paa o kaya’y sa tiyan ng sanggol.
May ilang magulang na sinusuotan pa ng pulang bracelet ang sanggol upang magsilbing pangontra sa mga masasamang bati at espiritu.
Paggupit o pag-ahit sa buhok sa unang taon
Para sa ibang mga magulang, ang paggupit o pag-ahit sa buhok ng kanilang sanggol pagtungtong ng isang taon nito ay magdudulot ng makapal at mas magandang tubo nito.
Pag-iipit ng buhok sa libro
Kaugnay ng pagpapagupit o pag-aahit ng buhok, ang mga hibla na magmumula rito ay inilalagay ng ilang mga magulang sa isang libro sa paniniwalang makatutulong ito na maging matalino ang sanggol paglaki nito.
Pagmamasahe sa mga binti bago pa man matutong maglakad
Pinaniniwalaan naman rito na ang pagmamasahe sa mga binti ng sanggol ay nagpapababa sa tiyansang maging sakang ito o bow-legged dahil madali pang mabago ang porma ng mga buto nito.
Bagama’t sumasalamin sa ilang siglo nang kultura ang mga paniniwalang ito, mahalagang ikonsidera ng mga magulang ang medikal na payo ng mga doktor at eksperto upang matiyak ang maayos at malusog na paglaki ng sanggol.