Kaklase mo sa umaga, parents mo sa gabi?
Kinaaliwan sa social media ang ibinahaging kuwento ng netizen na si MJ Reginaldo mula sa Paniqui, Tarlac matapos niyang ipakitang naging kaklase niya sa isang training program ang sarili niyang mga magulang.
Ayon kay Reginaldo, sabay-sabay silang nag-enrol sa kursong automotive sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Sa panayam sa GMA News, ibinahagi ni MJ na matagal nang interesado ang kaniyang ama sa pagkukumpuni ng sasakyan kaya nagpasya itong kumuha ng kursong automotive. Isinama rin umano siya at ang kaniyang ina sa pag-enrol.
Aniya, naging maayos at masaya ang kanilang karanasan sa klase, at mistulang naging pagkakataon pa ito para sa kanilang family bonding.
Umani ng samu’t saring reaksiyon mula sa netizens ang kakaibang setup ng pamilya.
Marami ang natuwa at naaliw sa kanilang kwento, habang ang iba naman ay humanga sa dedikasyon ng pamilya na sabay-sabay matuto ng bagong kasanayan.
"Hirap yayaing mag-cutting class niyan haha."
"Sarap niyan, hingi ka lang ng baon haha."
"Hirap mag-absent hahaha, malalaman."
"Magkakaalaman kung kaninong talino ka nagmana haha."
Gayunman, nilinaw ni MJ na kahit magkakaklase sila, hindi sila naging magkakagrupo sa mga group activities sa loob ng training.
Sabi nga, "A family that studies together, stays together."