May 22, 2026

Home BALITA

KOJC member na bumarikada sa pag-aresto kay Quiboloy, kinasuhan ng korte!

KOJC member na bumarikada sa pag-aresto kay Quiboloy, kinasuhan ng korte!
Photo courtesy: via MB

Hinatulan ng hukuman sa Quezon City ang isang miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) dahil sa paglabag sa Public Assembly Act matapos ang isinagawang highway blockade sa kasagsagan ng police operations laban kay televangelist Apollo Quiboloy noong 2024.

Sa desisyon ng Metropolitan Trial Court Branch 39, napatunayang nagkasala si Eduardo Corda sa paglabag sa Section 13(a) ng Batas Pambansa Bilang 880 o Public Assembly Act of 1985. Kaugnay ito ng mga kilos-protesta noong Agosto 2024 standoff sa KOJC compound sa Davao City.

Batay sa desisyon na ibinahagi ni dating Philippine National Police (PNP) chief at kasalukuyang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) general manager Nicolas Torre III sa kaniyang social media account noong Biyernes, Mayo 1, 2026, hinatulan si Corda ng apat na buwang pagkakakulong.

Sa kaniyang caption, sinabi ni Torre na ang desisyon ay “not a celebration” nor “revenge,” kundi paalala na, “the law is the law.”

Ayon sa korte, sinakop ng mga demonstrador ang bahagi ng Philippine-Japan Friendship Highway gamit ang mga sasakyan at iba pang harang, na nagdulot ng abala sa publiko habang isinasagawa ang operasyon ng pulisya.

Sey ng NBI: 'Fugitive Senator Dela Rosa will be arrested whether he likes it or not'

Bagama’t may permit ang grupo para sa “prayer rally and candle lighting,” nilinaw sa desisyon na saklaw lamang ito ng aktibidad sa loob ng KOJC compound.

“By barricading a national thoroughfare with heavy equipment, the participants exceeded the spatial authority granted. In this regard, a permit is not a license to occupy any public space at will; it is limited by the conditions and locations specified therein,” ayon sa korte.

Iginiit naman ng kampo ni Corda na ginampanan lamang niya ang tungkuling ministerial o peacekeeping at hindi siya nag-organisa ng anumang ilegal na gawain. 

Ayon din sa mga testigo ng depensa, mapayapa umano ang isinagawang protesta.

Gayunman, binigyang-diin ng korte na itinuring ng mga awtoridad si Corda bilang isa sa mga lider ng pagtitipon, batay sa paggamit nito ng megaphone at sa pakikipag-ugnayan sa mga kalahok sa gitna ng standoff.