Ipinawalang-bisa ng Supreme Court of the Philippines ang naging utos ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Enero 2018 na nagtanggal sa serbisyo kay dating Overall Deputy Ombudsman na si Melchor Arthur Carandang.
Sa desisyon ng Kataas-taasang Hukuman, idineklarang “void” o walang bisa ang naturang kautusan ng dating pangulo laban kay Carandang, na inakusahan noon matapos niyang ilahad ang umano’y bank transactions ni Duterte at ng kaniyang pamilya.
Batay sa dokumentong inilabas ng Korte Suprema (G.R. No. 261757), ibinasura ang petisyon ng Office of the President at pinagtibay ang naunang desisyon ng Court of Appeals na kumiling o pabor kay Carandang.
Bukod dito, ipinahayag din ng hukuman na walang bisa ang direktiba na nag-uutos kay Carandang na tumigil sa pagganap ng kaniyang tungkulin bilang Overall Deputy Ombudsman, gayundin ang deklarasyon na bakante ang kaniyang posisyon.
Ayon pa sa desisyon, nananatiling may karapatan si Carandang sa kaniyang retirement benefits matapos ang kaniyang termino.
Dagdag pa rito, maaari din niyang matanggap ang kaukulang sahod para sa panahon ng kaniyang preventive suspension at dismissal, ngunit hanggang sa pagtatapos lamang ng kaniyang termino.
Binibigyang-diin ng Korte Suprema sa kanilang ruling ang kahalagahan ng balanse sa pagitan ng kapangyarihan ng ehekutibo at ng kalayaan ng mga institusyong may tungkuling magpanagot sa pamahalaan, gaya ng Office of the Ombudsman.
Sa kasalukuyan, inaasahan ang karagdagang detalye ukol sa naturang desisyon.
Muling lumutang ang pangalan ni Carandang sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Justice sa impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte noong Abril 22, kung saan, inisa-isa at naungkat ang mga umano’y suspicious transactions na nakapangalan hindi lamang sa pangalan ng Pangalawang Pangulo, kung hindi maging sa iba ring miyembro ng pamilya Duterte, kabilang na si FPRRD.
Maki-Balita: #BALITAnaw: Ang pagsibak kay ex-Overall Deputy Ombudsman Carandang noong Duterte admin
Base sa kumpirmasyon ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), naitala nila ang umano'y mahigit 630 covered transaction reports (CTRs) at 33 suspicious transaction reports (STRs) na konektado umano kay VP Sara at sa mister nitong si Manases Carpio, na aabot umano sa ₱6,771,227,712.95 ang kabuuang halaga.
Maki-Balita: Higit ₱6B-covered at suspicious transactions ni VP Sara, mister kumpirmado!—AMLC-Balita
Sa sinumpaang salaysay naman ni dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV, sa parehong pagdinig, isiniwalat niya ang umano’y lihim na joint bank accounts ng mag-amang VP Sara at dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Maki-Balita: Higit ₱2B, laman ng sikretong joint bank accounts ng mag-amang FPRRD, VP Sara—Trillanes-Balita