May 22, 2026

Home BALITA National

Higit ₱2B, laman ng sikretong joint bank accounts ng mag-amang FPRRD, VP Sara—Trillanes

Higit ₱2B, laman ng sikretong joint bank accounts ng mag-amang FPRRD, VP Sara—Trillanes
Photo courtesy: Screenshot from HOR (FB)/MB File Photo

Inilahad ni dating Sen. Antonio "Sonny" Trillanes IV ang kaniyang sinumpaang salaysay kaugnay ng umano’y lihim na joint bank accounts nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Sara Duterte na umano’y naglalaman ng bilyong piso, sa pagdinig ng House Committee on Justice sa impeachment complaints laban sa Pangalawang Pangulo.

Batay sa sworn affidavit ni Trillanes, sinabi niyang noong Abril 2016, sa panahon ng kaniyang ikalawang termino bilang senador, nakatanggap umano ang kaniyang tanggapan ng impormasyon mula sa isang indibidwal na may hawak na mahahalagang dokumento hinggil sa umano’y lihim na bank accounts ni noo’y presidential candidate Rodrigo Duterte at kaniyang pamilya.

Ayon sa salaysay, nakipagpulong umano siya noong Abril 21, 2016 sa isang taong nagpakilalang si Joseph De Mesa sa Opisina ng Samahang Magdalo sa Quezon City.

Sinabi ni Trillanes na ipinakita umano ni De Mesa ang mga dokumento na naglalaman ng bank accounts sa pangalan ng mag-ama sa ilang sangay ng Bank of the Philippine Islands (BPI), kabilang ang Julia Vargas Avenue Branch sa Pasig at EDSA Greenhills Branch, gayundin sa Banco de Oro (BDO) Unibank sa Mandaluyong at iba pang bangko.

Ayon pa sa affidavit, sinuri umano ni Trillanes at ng kaniyang mga abogado at staff ang mga dokumento at inihambing ang mga ito sa mga isinumiteng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) nina Rodrigo at Sara Duterte sa mga kaukulang panahon.

National

PNP, susunod sa kautusan ng DOJ na ipatupad arrest warrant ng ICC vs Sen. Bato

Nakasaad din sa sinumpaang salaysay na nang makumpirma umano niya ang pagiging totoo ng mga dokumento, isinapubliko niya ang impormasyon dahil mahalagang malaman ng publiko ang umano’y mga joint bank accounts ng pamilya Duterte na may bilyon-bilyong pondo.

Sinabi rin ni Trillanes na humingi siya ng tulong sa mga accountants at finance specialists upang tantiyahin ang kabuuang halagang dumaloy sa mga naturang accounts.

Batay umano sa mga dokumentong hawak niya, lumabas na may kabuuang halagang ₱2,407,272,103.75 ang naideposito o dumaloy sa nasabing joint bank accounts sa loob ng ilang taon.

Binanggit din sa dokumento na noong 2016, inamin umano ni Rodrigo Duterte na mayroon siyang bank accounts sa BPI Julia Vargas Avenue Branch sa Pasig, at sinabi ring kulang umano ng halos ₱200 milyon ang naideklara sa kaniyang SALN.

Bukod dito, nabanggit din ni Trillanes na nakatanggap umano ang mga miyembro ng pamilya Duterte ng milyon-milyong halaga ng pera mula sa isang drug lord, na si Samuel "Sammy" Uy.

Bukod sa mag-amang FPRRD at VP Sara, binanggit din niya sa mga recipient ng mga nakatanggap ng pera ang iba pang mga anak ng dating pangulo, na sina Davao City Mayor Baste Duterte, Davao Rep. Pulong Duterte, at Kitty Duterte, gayundin ang nanay niyang si Honeylet Avanceña na common-law wife ng dating pangulo.

Samantala, sa nabanggit na pagdinig, inilabas ng mga kinatawan mula sa Office of the Ombudsman ang kopya ng Statement of Assets, Liability, and Net Worth (SALN) ni VP Sara. 

Kaugnay na Balita: SALN ni VP Sara, inilantad; 2019-2024 walang cash on hand, bank deposits!

Kinumpirma ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na may kabuuang mahigit 630 covered transaction reports (CTRs) at 33 suspicious transaction reports (STRs) na may kaugnayan umano kay VP Sara at sa kaniyang asawang si Manases Carpio.

Kaugnay na Balita: Higit ₱6B-covered at suspicious transactions ni VP Sara, mister kumpirmado!—AMLC

Sa ngayon, wala pang pinal na desisyon o pahayag mula sa mga kinauukulan hinggil sa naturang alegasyon, habang nagpapatuloy ang pagtalakay ng impeachment complaints, bago ito maiakyat sa Senado.