Kinumpirma ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na may kabuuang mahigit 630 covered transaction reports (CTRs) at 33 suspicious transaction reports (STRs) na may kaugnayan umano kay Vice President Sara Duterte at sa kaniyang asawang si Manases Carpio.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Justice panel nitong Abril 22, ibinunyag ni AMLC Executive Director Ronel Buenaventura na batay sa mga ulat ng bangko, umabot umano sa ₱6,771,227,712.95 ang kabuuang halaga ng covered at suspicious bank transactions na nakapangalan umano o may kaugnayan sa mag-asawa.
Batay sa ipinakitang talaan, si VP Sara ay may 313 CTRs habang si Carpio ay may 317 CTRs, na may kabuuang 630 CTRs para sa dalawa.
Sa suspicious transaction reports naman, 17 STRs ang iniugnay kay Duterte at 16 STRs kay Carpio, o kabuuang 33 STRs.
Sa halaga ng mga transaksyon, nakasaad na si Duterte ay may total amount involved na ₱3,772,760,972.48 habang si Carpio ay may ₱2,998,466,740.47.
Lumabas din sa summary na ang total amount of inflow ni Duterte ay ₱1,832,539,360.45, samantalang ₱2,592,904,434.24 naman kay Carpio, para sa pinagsamang ₱4,425,443,794.69.
Sa outflow transactions naman, si Duterte ay may ₱1,211,365,529.75 habang si Carpio ay may ₱343,315,781.07, o kabuuang ₱1,554,681,310.82.
Mayroon ding nakasaad na “undetermined inflow and outflow transactions” na umabot sa ₱791,102,607.44.
Samantala, inatasan din si AMLC Chairman Eli Remolona Jr. na magsumite ng “original o certified true copies” ng lahat ng covered transaction reports at suspicious transaction reports na may kaugnayan kina Duterte at Carpio, kabilang ang anumang investigation reports at iba pang kaugnay na dokumento na inihanda ng AMLC.
Ang CTRs ay karaniwang iniuulat para sa malalaking transaksyon na lampas sa itinakdang threshold, habang ang STRs naman ay para sa mga kahina-hinalang galaw ng pera na maaaring nangangailangan ng masusing imbestigasyon.
Samantala, sa nabanggit na pagdinig, ipinakita rin ang kopya ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni VP Sara.
Batay sa dokumentong inilabas, makikita na mula taong 2019 hanggang 2024 ay nakasaad na “None” sa bahagi ng cash on hand/bank sa kaniyang SALN.
Makikita rin sa talaan ang paglago ng idineklarang net worth ni VP Sara mula 2007 hanggang 2024.
Noong 2007, nasa ₱7,250,497.00 ang kaniyang net worth. Pagsapit ng 2008, tumaas ito sa ₱18,493,616.65 at naging ₱18,821,264.65 noong 2009.
Noong 2010, bumaba ito sa ₱16,242,886.65 at muling naging ₱14,271,148.45 noong 2011. Pagsapit ng 2012, umakyat ito sa ₱22,116,101.93.
Walang nakasaad na datos para sa taong 2013 hanggang 2015 sa ipinakitang talaan. Noong 2016, umabot sa ₱34,895,997.00 ang net worth, sinundan ng ₱44,828,759.00 noong 2017 at ₱49,699,728.00 noong 2018.
Noong 2019, nasa ₱55,613,051.00 ang net worth ni VP Sara. Tumaas ito sa ₱56,583,735.10 noong 2020, ₱65,308,841.00 noong 2021, ₱71,658,841.00 noong 2022, ₱77,508,841.00 noong 2023, at umabot sa ₱88,512,370.22 noong 2024.
Sa pinakahuling SALN noong 2024, nakasaad na ₱66,808,891.00 ang real assets, ₱31,653,479.22 ang personal assets, at ₱9,950,000.00 ang total liabilities, kaya ang total net worth ay ₱88,512,370.22.
Hindi naman kasama sa dokumentong ipinakita ang rekord para sa 2025 hanggang sa kasalukuyan.
Ang SALN ay taunang dokumentong isinusumite ng mga opisyal ng gobyerno upang ideklara ang kanilang mga ari-arian, pananagutan, at net worth bilang bahagi ng transparency at accountability sa serbisyo publiko.
Kaugnay na Balita: SALN ni VP Sara, inilantad; 2019-2024 walang cash on hand, bank deposits!