Ibinahagi ng Office of the Ombudsman ang kopya ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) na isinumite ni Vice President Sara Duterte sa mga nakaraang taon, sa pagpapatuloy ng pagdinig sa impeachment complaints laban sa Pangalawang Pangulo, nitong Miyerkules, Abril 22.
Batay sa dokumentong inilabas, makikita na mula taong 2019 hanggang 2024 ay nakasaad na “None” sa bahagi ng cash on hand/bank sa kaniyang SALN.
Makikita rin sa talaan ang paglago ng idineklarang net worth ni VP Sara mula 2007 hanggang 2024.
Noong 2007, nasa ₱7,250,497.00 ang kaniyang net worth. Pagsapit ng 2008, tumaas ito sa ₱18,493,616.65 at naging ₱18,821,264.65 noong 2009.
Noong 2010, bumaba ito sa ₱16,242,886.65 at muling naging ₱14,271,148.45 noong 2011. Pagsapit ng 2012, umakyat ito sa ₱22,116,101.93.
Walang nakasaad na datos para sa taong 2013 hanggang 2015 sa ipinakitang talaan. Noong 2016, umabot sa ₱34,895,997.00 ang net worth, sinundan ng ₱44,828,759.00 noong 2017 at ₱49,699,728.00 noong 2018.
Noong 2019, nasa ₱55,613,051.00 ang net worth ni VP Sara. Tumaas ito sa ₱56,583,735.10 noong 2020, ₱65,308,841.00 noong 2021, ₱71,658,841.00 noong 2022, ₱77,508,841.00 noong 2023, at umabot sa ₱88,512,370.22 noong 2024.
Sa pinakahuling SALN noong 2024, nakasaad na ₱66,808,891.00 ang real assets, ₱31,653,479.22 ang personal assets, at ₱9,950,000.00 ang total liabilities, kaya ang total net worth ay ₱88,512,370.22.
Hindi naman kasama sa dokumentong ipinakita ang rekord para sa 2025 hanggang sa kasalukuyan.
Ang SALN ay taunang dokumentong isinusumite ng mga opisyal ng gobyerno upang ideklara ang kanilang mga ari-arian, pananagutan, at net worth bilang bahagi ng transparency at accountability sa serbisyo publiko.