Sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Justice sa impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte noong Miyerkules, Abril 22, inisa-isa at naungkat ang mga umano’y suspicious transactions na nakapangalan hindi lamang sa pangalan ng Pangalawang Pangulo, kung hindi maging sa iba ring miyembro ng pamilya Duterte.
Base sa kumpirmasyon ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), naitala nila ang mahigit 630 covered transaction reports (CTRs) at 33 suspicious transaction reports (STRs) na konektado umano kay VP Sara at sa mister nitong si Manases Carpio, na aabot umano sa ₱6,771,227,712.95 ang kabuuang halaga.
MAKI-BALITA: Higit ₱6B-covered at suspicious transactions ni VP Sara, mister kumpirmado!—AMLC-Balita
Sa sinumpaang salaysay naman ni dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV, sa parehong pagdinig, isiniwalat niya ang umano’y lihim na joint bank accounts ng mag-amang VP Sara at dating Pangulong Rodrigo Duterte.
MAKI-BALITA: Higit ₱2B, laman ng sikretong joint bank accounts ng mag-amang FPRRD, VP Sara—Trillanes-Balita
Dahil dito, tila naging maugong ulit ang usapin patungkol sa sinibak na si dating Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang, isa sa highest-ranking anti-corruption officials noong panahon ng administrasyong Duterte.
Matatandaang sinibak ang dating Overall Deputy Ombudsman noong taong 2018, sa ilalim ng administrasyong Duterte, dahil sa umano’y kaugnayan nito sa graft and corruption, at sa betrayal of public trust.
Nag-ugat ito dahil sa “disclosure” nito sa umano’y hindi maipaliwanag na kayamanan ng pamilya Duterte.
Kasunod ito ng imbestigasyong isinagawa ng Office of the Ombudsman matapos magsumite ng isang complaint si ex-Sen. Trillanes laban kay FPRRD.
Laman nito ang alegasyong nakakuha umano si FPRRD ng humigit-kumulang ₱2.2 bilyong piso nang ito ay naninilbihan pa bilang alkalde ng Davao City—na siyang itinanggi naman ng dating Pangulo.
Kasabay ng pagsibak kay Carandang, siya ay tinanggalan din ng eligibility, diskwalipikasyong magkaroon ng posisyon sa public office, at ang forfeiture ng kaniyang retirement benefits, batay na rin sa order na inilabas ng Office of the President (OP) sa nagdaang administrasyon.