Mga Taga-Filipos 3:18, 20-21
“Sapagkat marami ang namumuhay na kumukontra sa kahulugan ng kamatayan ni Kristo sa krus. Ilang ulit ko nang sinabi sa inyo noon pa ang tungkol dito, at ngayoʼy sinasabi kong muli na may kasamang luha. Ngunit para sa atin, ang langit ang tunay nating bayan. At mula roon, hinihintay natin nang may pananabik ang pagbabalik ng Tagapagligtas, ang Panginoong Hesu-Kristo. Sa pagdating niya, babaguhin niya ang mahihina at namamatay nating katawang lupa at gagawing tulad ng maluwalhati niyang katawan. Gagawin niya ito sa pamamagitan ng kapangyarihan niyang sumasakop sa lahat ng bagay.”
Hindi tayo dapat nakatuon sa mga bagay dito sa mundo dahil may mas mataas tayong layunin na higit pa sa nakikita o nahahawakan. Ang dakilang pagtawag na ito ang dapat mag-udyok sa lahat ng ating ginagawa, ito ang dahilan kung bakit nagsisikap tayong maging katulad ni Hesus at maging halimbawa na maaaring sundan ng iba.
Ipinakita ni Pablo sa iglesya ng Filipos kung ano ang kaniyang hangarin sa buhay: ang makilala si Kristo at lubos Siyang makilala. Kapag si Hesus ang sentro ng ating buhay, nagiging malinaw ang ating misyon: Ang ipakita Siya sa iba sa pamamagitan ng ating pag-ibig, kababaang-loob, at paglilingkod. Sa ganitong paraan, nagiging buhay na patotoo tayo ng Kaniyang biyaya at pagmamahal.
Habang hinihintay natin ang pagbabalik ni HesuKristo, tinatawag tayong mamuhay bilang mamamayan ng langit na may pag-asa, may pananampalataya, at may matibay na paningin sa pangakong buhay na walang hanggan.
Hindi tayo nakatali sa mundong ito, may naghihintay na maluwalhating kinabukasan kasama ang Diyos.
Kaugnay na Balita: Semana Santa: Maglingkod sa Diyos kahit walang nakakakita
Kaugnay na Balita: Semana Santa devotional: Ang pagmamahal at pagpapatawad ng Panginoon
Kaugnay na Balita: Semana Santa devotional: Ang mamahaling pabango
Kaugnay na Balita: Semana Santa devotional: Purihin ang Diyos!