Nakahandang ipagpatuloy ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang pagpatrolya at pag-monitor sa mga gasoline station na mananamantala sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Sa pahayag ni PNP Chief Jose Melencio Nartatez Jr., noong Linggo, Marso 15, 2026, marami na raw silang natatanggap na mga reklamo sa ilang gasolinahang mapagsamantala.
"We, in the PNP fully understand the situation that gas station owners face amid the challenges brought by the situation in the Middle East. But if the sudden closure is for illegal scheme, then expect police action on this matter," anang PNP Chief.
Kasalukuyang naglalaro ang presyo ng produktong petrolyo sa ₱19 hanggang ₱22 per liter sa diesel habang inaasahang papalo naman ang gasolina ng ₱12 hanggang ₱16 per liter.
Samantala, nanawagan naman ang PNP sa publiko na agad makipag-ugnayan sa kanila kung sakaling may gas station na maispatang nananamantala sa krisis sa produktong petrolyo.
"Immediately report to the authorities if you have information about gas stations that have closed or stopped operations. We will promptly visit and investigate them," ani Nartatez.
Kaugnay nito, nilinaw naman niyang lahat ng mga reklamo ay ibeberipika muna.
"All reports will be carefully checked and verified,” aniya.