Kasabay ng “graduation season” sa maraming paaralan, binuksan ng Department of Education (DepEd) at Department of Labor and Employment (DOLE) ang oportunidad upang makapag-apply ang mga magsisipagtapos sa iba’t ibang kompanya at industriya sa bansa.
Bilang komemorasyon sa Labor Day noong Biyernes, Mayo 1, tinatayang 1,280 employers ang nakiisa sa malawakang job fair ng DOLE, kung saan, ilan sa mga naitalang top vacancies rito ay nasa industriya ng wholesale at retail, manufacturing, construction, business process outsourcing (BPO), at accommodation and food service.
MAKI-BALITA: Higit 100K bakanteng trabaho, bubuksan ng DOLE sa Mayo 1
Sa job fair din na ito, inanunsyo ng DepEd ang paglalaan ng “green lane” para sa mga estudyanteng nakapagtapos sa Senior High School (SHS).
Bukod sa Mayo 1, ang job fair din ay nakatakdang idaos hanggang sa huling linggo ng Mayo para sa ibang lugar sa bansa.
MAKI-BALITA: SHS graduates, may ‘green lane’ sa gaganaping nationwide job fair– DepEd
Kaya para sa job hunters na nais agad matanggap agad sa isang kompanya, narito ang ilang “job interview etiquette” na mahalagang tandaan:
Paghandaang maigi ang magiging interview
Ipinapayo ng maraming pag-aaral sa career guide na “preparation is key” sa matagumpay na job hunting at job interview dahil sa paggawa nito, mas nakikilala ng aplikante ang kompanyang nais pasukan gayundin ang mga personal na kakayahan.
Ang paghahanda ay ginagawa sa pamamagitan ng maiging pagsasaliksik hinggil sa kompanya, ang mga adhikain nito, at paninindigan sa pagtrato nito sa mga empleyado.
Maaari din itong gawin sa pamamagitan ng paglalaan ng oras upang i-proofread ang curriculum vitae (CV) at gumawa ng opening spiels sa panimula ng interview.
Mag-ayos bago pumunta sa interview
Katulad ng sikat na kasabihang “look good to feel good,” ang pag-aayos ng sarili ay nakaaapekto sa confidence nito.
Ang pag-aayos ng sarili ay nagsisilbing salamin ng potensyal na employer sa personalidad ng isang aplikante, dahil marami rito ang naniniwala na “first impressions last.”
Kaya ayon sa career experts, ang maayos na pagpresenta ng sarili ay nakatutulong upang makabuo ng matatag na first impression sa interview na papasukan.
Magagawa ito sa pamamagitan ng plantsadong damit, light makeup, at maikling mga kuko.
Iwasang maging late
Isa pang mahalagang ipinapaalala sa mga aplikante ay ang kahalagahan ng pagiging “on time” o maaga sa interview dahil para sa maraming kompanya, senyales ng katamaran o kakulangan sa time management ang pagiging late.
Kaya ipinapayo ng mga eksperto na maiging alamin ang direksyon sa pupuntahang kompanya upang mabigyan pa ng maraming oras ang sarili upang makahinga bago ang interview.
Maging confident at magalang
Tandaan na ang pagpasok sa interview ay senyales na interesado rin ang kompanya na kilalanin ang isang aplikante.
Kaya ipinapayo ng mga eksperto na dalhin ang sarili nang may kumpiyansa sa sarili at kakayahan, ngunit huwag pa ring kalimutang maging magalang at bukas sa kritisismo.
Mahalagang tandaan na dito rin papasok ang sapat na kahandaang ginawa bago pa man ang scheduled interview.