Inanunsyo ng Department of Labor of Employment (DOLE) ang pagbubukas ng higit 100k na mga bakanteng trabaho sa isasagawang job fairs sa buong bansa sa darating na Biyernes, Mayo 1.
Batay sa inilbas na pahayag ng DOLE noong Huwebes, Abril 23, sa 115,358 na bubuksang mga oportunidad mula sa iba-ibang industriya, 1,280 local employers ang nakatakdang makiisa sa job fair.
Sa mga susunod na araw, inaasahan pang madagdagan ang mga bilang na ito.
Kabilang sa naitalang top vacancies ng DOLE ay nasa industriya ng wholesale at retail, manufacturing, construction, business process outsourcing (BPO), at accommodation and food service.
Ilan naman sa naitala nilang in-demand positions ay ang stork clerks at sales associates para sa retail operations; production operators at production workers para sa manufacturing; mga karpentero, foremen, at steelmen para sa konstruksyon; customer service representatives para sa BPO industry; at service crew, line cooks, at mga barista sa hospitality sector.
Sa mga nais makiisa, ipinaalala ng DOLE na magdala ng maraming kopya ng kanilang application documents tulad ng resume at valid IDs.
Saad pa ng DOLE, layon ng inisyatibang ito na makapagbukas ng mga oportunidad upang kumita ng pera ang mga Pinoy na nananatiling wala pang trabaho, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na bigyang-tugon ang kahirapan sa bansa.