Umani ng iba’t ibang reaksiyon mula sa mga netizen ang cryptic post sa X ng aktor na si Romnick Sarmenta patungkol sa mga politiko.
Sa kaniyang post noong gabi ng Martes, binanatan ni Romnick ang mga politiko patungkol sa mga "joke."
“These... politicians. Everything is a joke – until you realise, they are the joke," aniya.
Sunod pa, "And they aren't even funny. Not in the slightest.”
Photo courtesy: Screenshot from Romnick Sarmenta/X
Kasunod ng kontrobersiyal na pahayag ni Quezon City 4th District Representative Jesus Manuel “Bong” Suntay patungkol sa “It’s Showtime” host-actress na si Anne Curtis, nang mabanggit niya ang huli sa pagdepensa tungkol sa pahayag ni Vice President Sara Duterte sa "designated survivor."
Isinasagawa kasi ng House Committee on Justice kung sufficient in form ba ang impeachment complaint laban kay VP Sara.
Bagama’t walang direktang binanggit na pangalan o isyu ang aktor sa kaniyang post, marami ang naniniwalang may kaugnayan ito sa naging viral na pahayag ng kongresista.
Sa naturang pagdinig, ibinahagi ni Suntay ang isang personal na halimbawa kung saan nabanggit niya ang aktres na si Anne Curtis.
Ayon sa kongresista, minsan daw niyang nakita ang aktres sa Shangri-La at inilarawan niya itong napakaganda. Sinabi rin niyang nakaramdam siya ng “desire” at naisip kung ano ang maaaring mangyari, ngunit nanatili lamang umano ito sa kaniyang imahinasyon.
Agad namang sinita ng ilang miyembro ng komite ang naturang pahayag, dahil hindi umano ito kaugnay sa tinatalakay na usapin sa pagdinig. Dahil dito, may ilang mambabatas ang naghain ng mosyon upang ipatanggal sa opisyal na records ng pagdinig ang nasabing bahagi ng kaniyang manifestation.
Isa sa mga nagpahayag ng pagtutol ay si San Juan Rep. Ysabel Maria Zamora na nagsabing hindi nararapat marinig ang ganoong mga komento lalo na’t nagsisimula pa lamang ang National Women’s Month.
Samantala, sa isang panayam sa telebisyon, nilinaw ni Suntay na hindi umano sexual ang kaniyang naging pahayag.
Iginiit niya na isa lamang itong “imaginary situation” at wala umano siyang sinabing anumang imoral o malaswang bagay. Dagdag pa niya, dapat umano itong ituring bilang papuri dahil sinabi niyang napakaganda ng aktres.
Maki-Balita: 'There’s nothing sexual sa sinabi ko!' Rep. Suntay, ipinaliwanag naging pahayag tungkol kay Anne Curtis
Sa kabila nito, marami pa ring personalidad at netizen ang pumuna sa naging pahayag ng kongresista.
Kabilang dito ang ABS-CBN broadcast journalist at TV Patrol anchor na si Karen Davila, na nagsabing hindi nararapat na manggaling sa isang halal na opisyal ang ganoong uri ng pahayag, lalo na’t siya ay kinatawan ng taumbayan.
Ayon kay Davila, higit pa sa simpleng pagtanggal sa rekord ng pagdinig ang dapat gawin, at naniniwala siyang nararapat na humingi ng paumanhin ang kongresista.
Maki-Balita: 'Please keep your sick thoughts to yourself!' Karen Davila, binanatan si Rep. Bong Suntay dahil kay Anne Curtis
Maki-Balita: Karen Davila kay Rep. Suntay: 'Wala kaming pakialam sa init ng kalooban ninyo!'
Maging si Quezon City Mayor Joy Belmonte ay naglabas na rin ng opisyal na pahayag tungkol dito, at hinikayat si Suntay na mag-apologize kay Anne.
Ang kapatid naman ni Anne na si Jasmine Curtis-Smith, hindi napigilan ang initng ulo at dugo at direktang binanatan si Suntay sa pamamagitan ng social media posts.
Maki-Balita: Jasmine Curtis sa pahayag Rep. Suntay: 'It's not about one female celebrity. It's about all women!'
Nitong Miyerkules, Marso 4, nag-sorry na si Suntay sa aktres.
"While may mga tao siguro that found the analogy in bad taste, doon sa mga na-offend, inuulit ko, walang malice doon sa ninais nating gawin doon sa statement na iyon. Ayaw natin makasakit through that analogy," saad ni Suntay.
"But kung may nasaktan," pagpapatuloy niya, "humihingi tayo ng dispensa. Kay Ms. Anne Curtis din, kung nasaktan siya sa sinabi, uulitin ko, there was no malice intended at tayo humihingi ng dispensa sa kanya.
Dagdag pa ng kongresista, "[T]otoo 'yong it was a fictitious situation na aking ginawa. Isa lang ang totoo doon. Yung sinabi kong ang ganda-ganda niya."
Maki-Balita: Rep. Bong Suntay, nag-sorry kay Anne Curtis: ‘There was no malice intended!’
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang mismong aktres tungkol sa isyu.