May 21, 2026

Home FEATURES

Hindi ka kasi nagbabasa! Chat group etiquette na dapat alam mo

Hindi ka kasi nagbabasa! Chat group etiquette na dapat alam mo
Photo courtesy: Unsplash


Halos lahat ng tao sa kasalukuyan ay may social media accounts—Facebook, X, Instagram, Threads, at iba pa.

Kadalasan nga, dito pa nakadepende ang lahat sa araw-araw nilang pag-aaral, trabaho, negosyo, o komunikasyon sa pamilya at kaibigan.

Dahil dito, nararapat lamang na alam ng bawat isa ang tamang paggamit ng kanilang social media accounts—kabilang na ang group chats na napapaloob dito.

Ano nga ba ang group chat etiquette na dapat ay alam ng isang social media user?

Ayon sa artikulong mababasa sa pahinang Medium, wala namang nasasaad na panuntunan pagdating dito—sadyang nabuo ito sa pamamagitan ng social ecosystem.

Trending

'Tamod' imbes na 'tanod!' Headline ng pahayagan, kinaaliwan

Ito ay nagdidikta ng ilang direktiba na gayong hindi inatas o napag-uusapan, kadalasan ay ginagawa pa rin.

Hindi aalis nang walang paalam

Hindi tama na aalis na lamang ang isang tao nang walang paalam. 

Kahit pa group chat lamang ito, nararapat na magsagawa ng isang anunsyo o pagpapaalam ang isang indibidwal bago niya lisanin ang grupo, bilang respeto sa iba pang miyembro nito.

Tamang timing sa uri ng usapan

Sa bawat group chat, mayroong tinatawag na “appropriate hours,” na nakadepende sa uri ng mga mensahe at mga miyembrong nakapaloob dito.

Kung family chats, kahit anumang oras ay tamang oras para magpadala ng mensahe. 

Kung friends group chat, papatak sa pagitan ng 8:00 ng umaga hanggang 11:00 ng gabi; pero wala nang seryosong usapan pagsapit ng 9:00 ng gabi.

Kung work group chat naman, bukas ang chat box sa buong oras ng trabaho, at sa emergency times na need padalhan ng mensahe ang bawat isa.

“The Reaction Hierarchy”

Ang pagbibigay ng reaksyon sa mga mensahe sa group chat ay isang paraan upang kilalanin ang mga ipinapadalang impormasyon sa grupo.

Bawat reaksyon ay may mahalagang papel sa mga mensahe, kung kaya’t dapat seryosohin ang paggamit nito.

“The Screenshot Betrayal”

Simple lamang ito: huwag maging “snitch” o traydor.

Anuman ang napag-usapan sa loob ng group chat, hindi dapat ito lalabas sa grupo.

Tamang paggamit ng “mute” button

Ang pagsali sa mga group chat ay isang pagkilala sa mga mapag-uusapan sa naturang chat box.

Ang ilan kasi, inilalagay sa “mute” ang group chats, kung kaya’t hindi madalas nababasa ang mga mensahe.

Tiyaking nagagamit sa tamang panahon at pagkakataon ang mute button, upang kung sakaling makatanggap ng emergency messages, agad itong marerespondehan.

Acknowledgement sa mga mensahe

Bilang paggalang sa mga mensaheng natatanggap sa mga group chat—work-related, school-related man—nararapat na kilalanin at i-acknowledge ito.

Isa itong paraan upang maipahayag na nabasa mo na ang mensahe at nauunawaan mo ang kahulugan nito.

Ang tamang kaugalian sa paggamit ng social media, partikular na ang group chats, ay sumasalamin din sa pagiging disente at maalam ng isang tao sa pakikipag-komunikasyon sa iba.

Kung kaya’t nararapat itong gamitin sa tamang paraan upang matiyak ang kaayusan at pagkakaunawaan.