May 22, 2026

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

Tuklasin: Mga kulturang weirdo at kakaiba pero ipinagdiriwang pa rin sa mundo!

Tuklasin: Mga kulturang weirdo at kakaiba pero ipinagdiriwang pa rin sa mundo!
Photo courtesy: The Associated Press (AP), MB FILE PHOTO, Japan News

Hindi maikakailang may malaking impluwensya ang kultura bilang isa sa mga pangunahing pundasyon sa identidad at pag-unlad ng isang lipunan o bansa. 

Sa depinisyon ng Komisyon sa Wikang Filipino, tumutungkol ang salitang “kultura” bilang kabuuan ng pamumuhay, tradisyon, wika, relihiyon, kaugalian, at panitikan ng isang lahi o bansa.

Sa dami ng mga bansa, komunidad, at maging personal na kaugalian na may koneksyon sa kultura ng isang tao sa buong mundo, halos hindi pa rin malinaw kung ilan ang eksaktong bilang ng kultura sa buong daigdig. 

Pinagwawatak-watak ng pagkakaiba-iba ng kultura ang sangkatauhan, sa kabilang banda, nagiging behikulo ito upang makipamuhay at maintindihan ng mga tao ang kanilang kaibahan sa iba. 

Taon-taon tuwing ika-21 ng Mayo, pinangungunahan ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) ang selebrasyon ng “World Day for Cultural Diversity for Dialogue and Development” o “World Day for Cultural Diversity.” 

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Mga prutas na napagkakamalang gulay at mga gulay na napagkakamalang prutas

Nagsimula ito noong 2001 nang pinagtibay ng UNESCO ang Universal Declaration on Cultural Diversity at opisyal namang nadeklara sa UN General Assembly noong 2002. 

Ngunit sa kabila ng talamak nang pagsasabi na ang kultura ay isang magandang bagay na taglay ng isang indibidwal o ng buong malaking pamayanan. Kuno repleksyon o salamin sa pagkakakilanlan ng isang komunidad. Subukang tumalon sa mundo ng pangkaraniwang usapin. 

Ano-anong mga kultura ang weirdo ngunit isinasagawa pa rin sa ilang bansa o lugar sa mundo? Tuklasin! 

Ayon sa updated na tala ng website na expatriate group, may mga kakaibang kultura at tradisyon sa buong mundo halimbawa ng batuhan ng kamatis, pagbabasag ng niyog sa ulo, batuhan ng dalandan, pagpuputol ng daliri, at paghuhubad ng kasuotan.

BATUHAN NG KAMATIS - LA TOMATINA

May kakaibang paraan ang mga tao sa Buñol, Spain, kung saan ipinagdiriwang nilang ang tinatawag nilang “La Tomatina” na maituturing na pinakamalaking food fight sa buong mundo. 

Tuwing huling araw ng Miyerkules sa buwan ng Agosto, taon-taon, makikita ang maraming tao na pumunta sa mga eskinita o pampublikong lugar para magbatuhan ng prutas na kamatis bilang katuwaan. 

Kung susubukang silipin ng publiko ang mga video at larawang makikita nila tungkol sa La Tomatina, matatagpuan nila kung paanong nababalot ng kulay na pula mga eskinita sa Buñol, Spain, dahil sa sobrang daming ibinabatong kamatis ng mga lokal at maging ng mga turistang dumadayo sa naturang lugar para makiisa sa selebrasyon. 

PAGBABASAG NG NIYOG SA ULO - AADI PERUKKU FESTIVAL 

Sa Tamil Nadu, India, isinasagawa ang Aadi Perukku festival kung saan may isang parte ng kapistahan ng mga lokal na pumukaw sa atensyon ng mga tao sa buong mundo. Walang iba kundi ang pagbabasag ng niyog sa ulo ng mga lokal. 

Isa itong ritwal na isinasagawa ng mga lokal sa kanilang templo kung saan luluhod nang nakahilera ang mga deboto at pupukpukin ang kanilang mga ulo ng niyog ng namumuno sa kanilang relihiyon. 

Ipinagdiriwang nila ang Aadi Perukku festival bilang tanda ng pagpapasalamat sa pagkakaroon ng masaganang tubig, panganganak, at pag-unlad ng kanilang komunidad. 

Bagama’t tila masakit ang naturang ritwal, boluntaryo naman ang pagsali at pakikiisa ng mga debotong nagnanais na mahampas ng niyog ang kanilang ulo. 

BATUHAN NG DALANDAN 

Taon-taon, may kakaiba ng kultura sa Ivrea, Italy, kung saan naghahati-hati sa siyam na grupo ang mga lokal sa naturang lugar. Mula rito, magbibihis sila ng mga kasuotang tila sasabak sa isang mahirap na labanan. 

Magsisimulang magbatuhan ang lahat ng mga lokal at mga nakikiisang turista ng “oranges” o dalandan sa iba pang mga grupo para mapuksa nila ang kanilang mga kalaban. Dahilan para dumanak ang dalandan sa mga pampublikong lugar ng nasabing lugar sa Italy. 

Maituturing daw ito bilang pinakamalaking food fight culture sa bansang Italy, ngunit mas malawak at malaki pa rin ang batuhan ng kamatis o La Tomatina sa Spain. 

PAGPUPUTOL NG DALIRI SA INDONESIA - IKIPALIN

May iba’t ibang paraan ng pagluluksa ang mga tao sa panahong pumanaw ang mga malalapit o mahal nila sa buhay. Ngunit sa kabila ng “iba’t ibang” mga pagluluksa ng marami, may isang kakaibang paraan o kultura ang isang tribo sa Indonesia para ipagluksa nila ang mga pumanaw nilang kakilala o mahal sa buhay. 

Sa nabanggit na bansa, may tinatawag na “Ikipalin” ang tribong Dani kung saan pinuputol ng kababaihan ang dulong bahagi ng kanilang mga daliri sa panahong may pumanaw silang kapamilya o mahalagang tao sa kanilang buhay. 

Matapos putulin at makaramdam ng pagkamanhid, pinapaso nila ang sugat sa pinutol nilang daliri para tumigil ang pagdugo at maiwasan umano ang impeksyon. 

Kung susubukang hagilapin ng publiko ang mga larawan ng kababaihan sa Dani Tribe, makikita nila ang hindi magkakapantay na daliri ng mga ito bilang tanda ng naging pagluluksa nila sa pagpanaw ng ilang mga kapamilya at mahahalagang tao sa kanilang buhay. 

PAGHUHUBAD NG KALALAKIHAN - NAKED FESTIVAL 

Tuwing ika-13 araw sa lunar calendar, isinasagawa ang tinatawag na “Hadaka Matsuri” o naked festival sa Konomiya, Japan. Isang selebrasyon para magbigay na suwerte sa pagpasok ng bagong taon. 

Nakikiisa ang libo-libong kalalakihan sa kapistahang ito at habang suot lamang ang kanilang uri ng bahag. Magtatapon ng isang patpat na tinatawag na “Shingie” ang lider ng kanilang relihiyon sa gitna ng tumpukan ng mga tao. 

Pinaniniwalaan nilang pagpapalain at magkakaroon ng mabuting kalusugan ang sinomang makakasambot sa hinahagis na patpat ng lider ng kanilang relihiyon. 

Noong 2024, nakiisa na rin ang kababaihan sa naturang kapistahan kung saan nakatapis ng tuwalya ang mga ito.