Tila nagpakawala ng simpleng biro ang aktres at dating Viva Hotbabes member na si Andrea Del Rosario para sa sinumang may larawan kasama ang kontrobersiyal na senador na si Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa, na kasalukuyan ay puwede na raw tugisin ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI).
Matatandaang kamakailan lamang, naging usap-usapan si Andrea matapos niyang maibahagi sa Instagram story ang larawan nila ni Sen. Bato, kasama ang kaniyang mister.
Dahil dito, inurirat ng mga netizen ang aktres kung "nagtatago" raw ba ang senador sa kanila, o dumaan sa bahay nila matapos ang pag-alis nito sa premises ng Senado noong madaling-araw ng Mayo 14, matapos ang kaguluhan noong gabi ng Mayo 13.
Makalipas kasi ang anim na buwang hindi pagpasok sa plenaryo ng Senado dahil sa nakaambang warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC), biglang bumulaga si Sen. Bato noong Mayo 11, para makiisa sa botohan ng kudeta laban kay dating Senate President Tito Sotto III. Napalitan ang liderato ng Senado, at napunta ang pagka-SP kay Sen. Alan Peter Cayetano.
Bandang 2:30 ng madaling-araw noong Mayo 14, sinasabing nakaalis ng Senado si Sen. Bato matapos humupa ang kaguluhang dulot ng putukan sa loob nito, mula sa Senate Sergeant-at-Arms na si Mao Aplasca.
Kaya nang lumitaw ang throwback photo ni Andrea kasama si Sen. Bato at nireshare ito, agad na pinutakti ng mga netizen ang aktres, at inurirat kung alam ba niya kung saan nagtatago ang senador.
"That's an old photo. Maybe 3 years ago! It was a memory that showed up and I reposted - just riding the issue for the memes," saad ng aktres.
"Lol didn't know that it would blow up!" dugtong pa niya.
Maki-Balita: Andrea Del Rosario, nilinaw ang kumalat na larawan nila ni Sen. Bato dela Rosa
Noong Mayo 19, nagawa pang magbiro ni Andrea tungkol sa senador.
"Lahat ng may photo w Bato, lahat kayo for questioning daw!" aniya.
Photo courtesy: Screenshot from Andrea Del Rosario (FB)
Isang netizen naman ang nagbiro kay Andrea at sinabing baka ipatawag siya ng NBI director at kuwestyunin kung nasaan si Bato.
Birong sagot na lang ni Andrea, "Sabihin ko nakay Ding Ang bato !!! lol #kornyko."
Samantala, ipinag-utos na ni Department of Justice (DOJ) Sec. Fredderick Vida ang pagtugis kay Sen. Bato ng law enforcement agencies upang ipatupad ang warrant of arrest mula sa ICC.