August 28, 2026

Home BALITA National

#BalitaExclusives: 'Flood control modus, totoong lumobo sa Marcos admin pero nagsimula ito kay Duterte!'—Tinio

#BalitaExclusives: 'Flood control modus, totoong lumobo sa Marcos admin pero nagsimula ito kay Duterte!'—Tinio
Photo courtesy: Balita, MB

Sinegundahan ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio ang tila naging pagsisiwalat ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla sa pagdinig ng Kamara na ang Davao City umano ang “epicenter” ng flood control projects bago pa man daw magsimula ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. 

Matatandaang inihayag ito mismo ni Remulla sa pagdinig ng House Committee on Appropriations noong Martes, Agosto 25, 2026, at kinumpirma niyang nagsasagawa na rin daw ng imbestigasyon ang Office of the Ombudsman sa anomalya ng flood control projects sa panahon ng mga nakaraan pang administrasyon.

“Opo at hindi lang po madali talaga. Sapagkat, sabihin natin, ang epicenter ng flood control bago dumating ang Marcos administration ay Davao City,” pagsisimula ng Ombudsman. 

“Ang ecosystem of corruption po mabigat, mahirap pong pasukin, mahirap pong kumuha ng impormasyon, maraming tao ang hindi nagsasalita pero hindi po kami tumitigil.

“Davao po ‘yong ecosystem na aming tinutukoy kasi doon po, maraming pondo na pumasok daw sa flood control. ‘Yan po ‘yong aming kinakalap nang husto,” dagdag pa niya. 

National

#WalangPasok: Listahan ng class suspensions ngayong Agosto 28

KAUGNAY NA BALITA: Davao City, epicenter ng flood control projects—Ombudsman

Sa eksklusibong panayam naman ng Balita kay Tinio matapos niyang tumanggap ng parangal na “Gawad Carlos Padilla 2026” sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) noong Agosto 27, idiniin niyang totoo umano na nalantad daw ang mga flood control scam at modus, partikular ng ghost projects at insertions, sa administrasyon umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. 

“‘Yong sagot na ‘yon ay nagmula sa tanong natin. Dahil nga totoo naman ‘yon na unang nalantad ‘yong flood control scam at saka modus ng mga ghost project, insertion, kickback, noong Duterte administration,” pagsisimula niya. 

Diin pa niya, “Kahit ‘yong ilang mga personalities na lumalabas na ngayon na involved, noon pa lang natutukoy na.” 

Ani Tinio, importante daw na hindi lang sumentro sa ilalim ng Marcos administration ang pagpapanagot sa flood control project anomalies, kundi pati na rin daw sa mga naunang administrasyon. 

“Mahalaga talaga na ‘yong imbestigasyon at pagpapanagot hindi lang sa ilalim ng Marcos. Totoo na talagang lumobo nang husto sa ilalim ni Marcos pero nagsimula ito sa panahon ni Duterte,” aniya. 

“Kaugnay noon, kaya nga nag-file din tayo, pinapaimbestigahan din natin sa Ombudsman ‘yong flood control projects sa Davao City mismo,” pagtatapos pa niya. 

KAUGNAY NA BALITA: 'Gobyerno, 'di lang dapat tumutok sa baha sa Davao City’—VP Sara

KAUGNAY NA BALITA: ‘Kabado kampo ng mga Duterte!’ Mayor Baste, 'plan B' kung ma-impeach is VP Sara—Rep. Tinio