Itinuturing na isa sa mga pinakamapanganib na sakuna, ang “flash flood” ay rumaragasang baha na sinisira lahat ng madaanan nito.
Ayon sa pag-aaral ng National Geographic, ang flash flood ay tumatagal ng ilang minuto hanggang sa anim na oras dahil sa matinding pag-ulan at hindi pantay o mababatong lupa.
Binanggit pa sa naturang pag-aaral na mas malaki ang posibilidad ang tiyansa ng flash flood sa mga lungsod dahil kaunti ang lawa at ilan pang mga anyong tubig na maaaring mangolekta ng tubig-ulan.
Isa pa sa mga posibleng makadagdag sa posibilidad ng flash flood ay ang pagkasira ng mga dam dahil sa pag-apaw ng tubig mula rito.
Isa sa mga halimbawa nito, ang nakagugulantang na flash flood na naganap sa border area ng Nepal at China.
Matatandaang naiulat ng Nepal Police noong Miyerkules, Agosto 26, na umabot sa 162 ang nasawi sa kanilang bansa dahil sa pananalasa ng malawakang flash flood sa border ng Nepal at China.
Ayon naman sa state broadcaster na CCTV, tatlo ang namatay at 265 ang nawawala sa Gyirong County, Tibet, na malapit sa national border.
MAKI-BALITA: Flash flood sa Nepal, kumitil na ng 162 katao!
KAUGNAY NA ULAT: Walang Filipino casualties sa flash floods sa Nepal-China borders—Malacañang
Saad ng mga eksperto, posibleng glacial collapse mula sa umiinit na Himalayan region ang nagdulot ng flash flood.
MAKI-BALITA: ALAMIN: Bakit sinalanta ng rumaragasang flash floods ang border area ng Nepal at China?
Bukod dito ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), narito ang ilan pang natural at artificial causes ng flash flood:
NATURAL
- Tsunami (seismic sea waves)
- Paglubog ng lupa dahil sa lindol
- Pagtaas ng lebel ng tubig sa mga ilong at lawa dahil sa paggalaw ng lupa
- High tides kasabay ng mabigat na buhos ng ulan
ARTIFICIAL
Blasting o pagpapasabog - nagdudulot ito ng landslide sa mga bundok at burol na posibleng magdulot ng pagkaharang sa mga ilog at lawa.
Konstruksyon ng temporary dams - ito ay nagdudulot ng pagharang sa natural na daloy ng tubig mula sa ilog at lawa na maaaring mauwi sa pag-apaw ng tubig dito.
Pagkasira ng hydraulic o iba pang control structures - ang mga aksidenteng pagkasira ng dike ay maaaring magdulot ng pagpasok ng malaking tubig sa isang protected area.
Maling paggamit ng hydraulic structures - maaari itong magdulot ng biglaang pagpapakawala ng sobrang tubig.
Pagkasira ng kagubatan at watershed areas - maaari nitong mabago ang natural na galaw at daloy ng ecological system sa isang ilog.
Kaya ipinapayo rin ng PAGASA na mahalagang alamin kung ang lugar o komunidad na tinatayuan ng bahay ay binabaha.
Saad pa ng ahensya, mahalagang maging updated sa kondisyon ng panahon at maging maagap sa pagpaplano ng evacuation ng pamilya sakaling magkaroon ng sakuna.
Sakaling makatanggap ng flood warning, ipinapayo ng PAGASA na maiging bantayan ang antas ng tubig sa malapit na ilog o lawa at hangga’t maaari, agad nang lumikas.
PAANO MAKATUTULONG SA SOLUSYON SA BAHA?
Sa dagdag na lathala ng PAGASA, malaking tulong ang mga sumusunod para maiwasan ang matinding pagbabaha sa mga komunidad:
- I-regulate ang pagpuputol ng mga puno- Iwasang magtapon ng mga basura sa estero at mga ilog. - Tumulong sa paglilinis sa komunidad.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Naghahanap ng solusyon sa baha?’ Maayos at responsableng paraan ng pagtatapon ng basura