Hindi bababa sa 160 katao ang nasawi at daan-daan pa ang nawawala matapos manalasa ang malawakang flash flood sa border area ng Nepal at China noong Miyerkules, Agosto 26.
MAKI-BALITA: ALAMIN: Bakit sinalanta ng rumaragasang flash floods ang border area ng Nepal at China?
Ayon sa Nepal police, umabot sa 162 ang nasawi sa bansa. Samantala, iniulat ng state broadcaster na CCTV na tatlo ang patay at 265 ang nawawala sa Gyirong County sa Tibet, malapit sa national border.
Sinabi ng mga eksperto na posibleng glacial collapse ang nagdulot ng sakuna sa umiinit na Himalayan region.
Makikita sa drone footage ang mga kalsadang nawasak at mga gusaling natabunan ng rumaragasang tubig na kulay basang semento. Iniulat naman ng state news agency na Xinhua ang malaking bilang ng mga nasawi.
Ayon sa mga opisyal sa Nepal, 403 katao ang naiulat na nawawala, kabilang ang 341 dayuhan.
Sinabi ni Sunil Sharma, tagapagsalita ng tourism board, na 133 sa mga nawawala ay mula India at patungo sa Mount Kailash sa Tibet para sa pilgrimage. Kabilang din sa mga nawawala ang 47 mula United States, 34 mula Australia, 33 mula Britain at 24 mula Canada.
Hindi bababa sa 62 nawawalang Nepali citizens ang kabilang sa daan-daang lokal na nag-trekking sa Gosaikunda Lake area sa Rasuwa district, na katabi ng Gyirong sa Tibet.
Nangyari ang insidente ilang araw bago ang lokal na pagdiriwang ng Janai Purnima sa Biyernes, Agosto 28.
Ayon kay Nepal police spokesperson Abi Narayan Kafle, hindi bababa sa 28 police officials ang nawawala.
Nagbabala naman ang mga awtoridad sa mga residente sa ilang distrito na lumayo sa pampang ng Trishuli, Bhotekoshi at Narayani rivers.
Hindi bababa sa 19 tulay at halos 40 kilometro ng mga kalsada ang inanod ng baha.
Patuloy ang search and rescue operation ng mga awtoridad kung saan inaasahang tataas pa ang bilang ng mga nasawi bunsod ng trahedya.
Samantala, wala pang inilalabas na pahayag ang gobyerno ng Pilipinas hinggil sa anumang impormasyon kung may nadamay na Pilipino mula sa nasabing flash flood.