August 27, 2026

Home BALITA Internasyonal

ALAMIN: Bakit sinalanta ng rumaragasang flash floods ang border area ng Nepal at China?

ALAMIN: Bakit sinalanta ng rumaragasang flash floods ang border area ng Nepal at China?
Photo courtesy: The Associated Press

Hindi bababa sa 170 katao ang nasawi habang daan-daang iba pa ang nawawala matapos hagupitin ng matinding flash floods ang ilang lugar sa hilagang Nepal malapit sa hangganan nito sa Tibet noong Miyerkules, Agosto 26.

Ayon sa The Associated Press (AP) at iba pang mga ulat ng mga international media outlets, pinakamalubhang tinamaan ang Rasuwa district, partikular ang mga komunidad sa paligid ng Bhotekoshi River.

Rumagasa ang tubig, putik, bato at iba pang debris sa mga pamayanan at inanod ang mga bahay, sasakyan, kalsada at tulay.

Lagpas 150 katao as of this writing ang kumpirmadong nasawi sa Nepal, habang hindi bababa sa 28 pulis ang kabilang sa mga nawawala.

Sa kabilang panig ng hangganan, tatlo naman ang kumpirmadong patay at 265 katao ang nawawala sa Gyirong County sa Tibet, China.

Internasyonal

Pinoy teleserye yarn? Car salesman, anak pala ng prinsipe ng Belgium!

Daan-daang turista, nawawala

Ayon pa sa mga ulat, lalong naging komplikado ang rescue operations dahil kabilang sa mga hindi pa natatagpuan ang maraming turista at dayuhang biyahero.

Habang isinusulat ang artikulong ito, Huwebes ng umaga, Agosto 27, iniulat ng Nepal Tourism Board na nasa 403 katao ang hindi pa nakokontak, kabilang ang 341 dayuhan. Kabilang sa mga naiulat na nawawala ang mga turista mula India, Australia, United Kingdom, Malaysia, South Korea, Netherlands, Portugal, South Africa at United States.

Mahirap ding marating ng mga rescue team ang ilang lugar dahil winasak ng baha ang mga kalsada at tulay. Iniulat na halos 40 kilometro ng kalsada at 19 na tulay ang napinsala o inanod.

Glacier collapse umano ang pinagmulan

Sa unang mga ulat, iniuugnay ang insidente sa posibleng lindol. Gayunman, lumilitaw sa mga bagong pagsusuri na isang malaking pagbagsak ng yelo at bato mula sa glacier ang nag-trigger ng landslide na nagtulak ng napakalaking agos ng tubig at debris patungo sa ilog.

Ayon sa mga eksperto na sinipi sa mga ulat, posibleng nakadagdag sa panganib ang patuloy na pag-init ng klima at pagkatunaw ng mga glacier sa Himalayas. Patuloy pa ring iniimbestigahan ang eksaktong mekanismo na nagpasimula sa sakuna.

Sa ilang lugar, biglaan ang pagtaas ng tubig kaya kakaunti ang naging oras ng mga residente upang makapaghanda. May mga ulat ding walang malakas na pag-ulan bago dumating ang rumaragasang tubig sa ilang apektadong komunidad.

Patuloy ang rescue operations

Agad namang nagpakilos ang pamahalaan ng Nepal ng mga tauhan ng militar, pulisya at disaster-response teams para sa paghahanap sa mga nawawala at paglilikas sa mga residenteng nasa peligro.

Nagbabala rin ang mga awtoridad sa mga nakatira malapit sa Bhotekoshi, Trishuli at Narayani rivers na lumayo sa mga pampang dahil nananatili ang panganib ng karagdagang pagbaha.

Samantala, nagpadala rin ang Nepal Army ng mga helicopter at rescue personnel sa mga lugar na mahirap maabot sa lupa. Ngunit nahahadlangan ang operasyon ng masamang panahon at pinsala sa mga imprastraktura.

Dahil sa lawak ng pinsala at dami ng mga nawawala, inaasahang maaari pang tumaas ang bilang ng mga nasawi habang nagpapatuloy ang search-and-rescue operations.

Wala pang ulat kung may nadamay na Pilipino sa nabanggit na flash floods.