Ang alyas o alias sa Ingles ay mga pangalang ginagamit ng isang indibidwal bukod sa legal niyang pangalan.
Ginagamit ito sa iba’t ibang dahilan tulad ng pagprotekta sa kaniyang seguridad o kaya’y bilang personal na branding–depende sa kaniyang sitwasyon o trabaho.
Kaya matatandaang mainit na kinompronta ni Senator-Judge Robin Padilla si private prosecutor Atty. Mae Divinagracia hinggil sa paksang kahalagahan umano ng alyas sa recipients ng confidential funds.
Sa naturang argumento ni Padilla, ikinumpara niya ito sa mga bayaning Pilipino gumamit din ng alyas noong panahon ng giyera sa bansa para protektahan ang kanilang pagkakakilanlan.
Giit pa ng senador na magmula 1892 hanggang 1896, gumagamit ng alyas ang mga bayaning nagtanggol sa Pilipinas maliban sa pagtatraydor umano ni Teodoro Patiño sa Katipunan noong mga panahong ito.
Depensa naman ni Divinagracia, iba ang giyerang binabanggit ni Padilla kaysa sa sitwasyong kinalalagyan nila ngayon.
Dagdag pa niya, isa itong “non-issue” at walang koneksyon umano sa isyu ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
MAKI-BALITA: Sen. Robin, idiniing mahalaga alyas sa confidential funds tulad ng ginawa ng mga bayani
Bagama’t itinuturing na “non-issue” at bilang komemorasyon sa nalalapit na pagdiriwang ng Araw ng mga Bayani, sino-sino pa nga ba ang gumagamit ng mga alyas?
Mga Awtor, Manunulat, at Manlilikha
Dahil nabibilang ang mga indibidwal na ito sa industriyang kinakailangan ng malikot na imahinasyon o kaya’y kumokompronta sa mga problema ng lipunan gamit ang mga salita, gumagamit ang mga taong ito ng alyas para maprotektahan ang kanilang pampribadong buhay.
May ilan din sa mga taong ito na gumagamit ng alyas dahil naniniwala silang mas mahihirapan ang kanilang mga mambabasa na baybayin ang tunay nilang pangalan.
Ilan sa mga halimbawa ng mga awtor, manunulat, at manlilikhang gumamit ng alyas ay sina Jose Rizal bilang “Laong Laan” at “Dimasalang;” Nick Joaquin bilang “Quijano de Manila;” “Bob Ong;” at Bienvenido Lumbera bilang “Ka Bien.”
Mga artista, social media influencers, at celebrities
Isa pa sa mga kadalasang mapapansin na gumagamit ng alyas o “stage name” ay ang mga sikat na personalidad tulad ng mga artista, social media influencers, at celebrities bilang proteksyon din sa kanilang pagkakakilanlan o kaya’y parte ng kanilang personal branding.
Kadalasan, binabago ng mga indibidwal na ito ang kanilang bansag sa entablado o harap ng camera sa pangalangang mas matatandaan ng magki-click sa kanilang mga manonood o fans.
Ilan sa mga personalidad na gumagamit ng alyas o “stage name” ay sina Bea Alonzo (tunay na pangalan: Phylbert Angeli Ranollo Fagestrom); Dingdong Dantes (tunay na pangalan: Jose Sixto Gonzales Dantes III); Gabbi Garcia (tunay na pangalan: Gabriella Louise Lopez); at Michael V (tunay na pangalan: Beethoven del Valle Bunagan).
Mga taong sumasailalim sa legal na proseso
Katulad ng mga manlilikha at mga personalidad, ang mga indibidwal sa kategoryang ito ay may privacy ding nais protektahan ngunit para sa kanila, mas matindi ang pangangailangan nila ng seguridad dahil sa legal na prosesong pinagdaraanan nila.
Isa sa mga kilalang halimbawa ng legal na proseso kung saan ang indibidwal ay gumagamit ng alyas ay ang Witness Protection Programs at Undercover ng mga direktiba.
Sa Pilipinas, bagama’t may nailabas na “Anti-Alias Law,” kung saan ipinagbabawal ang paggamit ng pangalang nakarehistro sa kaniyang civil registry, pinapayagan ito sa mga legal na proseso kung ito ay awtorisado ng isang korte.
Ipinapayo pa rin ng mga awtoridad na gamitin ang tunay nilang pangalan sa pagpirma ng mga opisyal na dokumento tulad ng permits, government IDs, at bank accounts.