August 26, 2026

Home BALITA National

Sen. Robin, idiniing mahalaga alyas sa confidential funds tulad ng ginawa ng mga bayani

Sen. Robin, idiniing mahalaga alyas sa confidential funds tulad ng ginawa ng mga bayani
Photo courtesy: Senate of the Philippines

Kinompronta ni Senator-Judge Robin Padilla si private prosecutor Atty. Mae Divinagracia kaugnay sa kahalagahan umano ng paggamit ng mga alyas ng recipients ng confidential funds kagaya raw ng paggamit ng mga bayani ng mga hindi totoong pangalan sa panahon ng giyera noon. 

Sa naging intervention ni Padilla sa ikinasang ika-19 na araw ng Senate impeachment trial nitong Miyerkules, Agosto 26, 2026, inurirat niya ang mga naging alyas umano ng mga bayani noon at kung ano raw ang kahalagahan nito sa kasalukuyan. 

“Ito po ang magandang panahon para maipaalala sa inyo na, Taga-ilog, May Pag-asa, Buwan, at marami pa pong iba. Ano po ang kahalagahan ng mga ito para sa inyo? Ang alyas po, ano ang kahalagahan,” pagsisimula niya. 

Tugon ni Divinagracia, hindi raw siya makakapagkomento sa naging paggamit ng alyas ng mga bayani noon at koneksyon nito sa kasalukuyan, dahil alinsunod daw sa Anti-Alias Law, pinamamayagan umano ang paggamit ng mga alyas ngunit kailangan pa rin daw na kalakip nito ang pagkakakilanlan ng mga tunay na pangalan ng ilang mga indibidwal. 

“I cannot comment because I am not sure of the circumstances surrounding the use of their alias. Under the use of Anti-Alias law, Sir, ina-allow naman po ‘yong paggamit ng alias, provided kailangang naka-disclose kung ano ‘yong real name. It’s not completely prohibited,” depensa niya. 

National

'Wag matakot sa Pax Silica, this is a chance in a lifetime!'—Rep. Alvarez

Giit naman ni Padilla, ginagamit na raw noon pang 1892 hanggang 1896 ng mga bayani ang pagtatago sa likod ng alyas maliban sa naganap na pagtatraydor umano Teodoro Patiño at pagsusuplong sa Katipunan noon. 

“Pakisagot lang po kung narinig n’yo na po ‘yong mga alyas na ‘yan. Magmula po noong 1892 hanggang 1896, ginagamit po nila ang mga alyas na ‘yan. Nagkaroon lang po ng isang traydor, ang pangalan ay Teodoro Patiño na nagbulgar sa Katipunan. Alam po ba ninyo?” anang senador. 

Reaksyon ni Divinagracia, “Yes, Your Honor. But the circumstances then were different. Because we were under… may giyera po noon.” 

Diin ni Padilla, hindi ba raw makokonsidera na giyera ang laban ng pamahalaan sa New People's Army (NPA) na kapuwa raw gumagamit ng mga alyas. 

“Wala po ba tayong giyera sa NPA? Ang NPA po merong mga alyas. Meron pong Ka-Cobra, Ka-Agila, Ka-Lawin, Ka-Tigre, Ka-Kapre, Ka-Sirena, Ka-Adobo, Ka-Sinigang, Ka-Pansit, Ka-Tinola, Ka-Sili, Ka-Kamote, Ka-Bawang, Ka-Labuyo. Lahat po ‘yan, ginagamit na alyas,” paglalatag niya. 

Buwelta ni Divinagracia, “Iba naman po ‘yong internal conflict, iba naman po ‘yong war.” 

Ani Padilla, gusto lang daw niyang ipaalam sa prosecution na napakahalaga daw ng alyas sa panahon ng giyera. 

Inihalintulad din ni Padilla ang naging malagim na sinapit umano ng Trece Mártires o ng Thirteen Martyrs of Cavite matapos mapaslang ang mga ito nang lumantad ang kanilang mga pagkakakilanlan noong Setyembre 12, 1896.

“Ang pagkilos-confidential ay napakahalaga at hindi po ginagamit ang pangalan at hindi po pumipirma. Alam n’yo po ba noong September 12, 1896, anong nangyari? Nagkaroon tayo ng Trece Mártires. ‘Yong mga nagtraydor ay itinuro ang mga totoong pangalan, totoong lugar kung nasaan ‘yong sumusuporta sa Katipunan,” tirada ng senador. 

Ngunit nanindigan naman si Divinagracia na wala umanong koneksyon sa isyu sa impeachment trial ang paggamit ng mga alyas. 

“With all due respect, Your Honor, the Prosecution respectfully submit that whether the use of alias is allowed or not and whether it is necessary or not, to us, that is a non-issue,” saad ng abogado. 

“Hindi po puwedeng maging non-issue sapagkat ito po ang pinapalabas ng prosecution na may mga katawa-tawang pangalan. Mas nakakatawa pa po itong mga pangalan, mga nangyari noong araw,” pagtatapos naman ni Padilla. 

KAUGNAY NA BALITA: Sen. Ping, tumiradang ‘stupid’ copy & paste umano ang PFP ng OVP noong 2022-2023

KAUGNAY NA BALITA: Pangilinan, inurirat testigo kung 'usual’ ang pagbibigay ng ₱122M sa informants!