Deretsahang tinawag na “stupid” ni Senator-Judge Ping Lacson ang pagkakatulad-tulad umano ng Physical and Financial Plan (PFP) ng Office of the Vice President (OVP) mula sa huling kuwarter ng 2022, at una hanggang huling kuwarter noong 2023.
Sa ipinakitang PFP ni Lacson sa kaniyang intervention sa ika-19 na araw ng Senate impeachment trial nitong Miyerkules, Agosto 26, 2026, binasa niya mismo ang magkakatulad na “Physical Target “sa dokumento ng OVP na nagkakahalagang ₱125 milyon bawat kuwarter sa loob mga taong 2022-2023 na tila hindi man lang daw binago ng mga kumubra ng confidential funds.
Screenshot mula sa Senate of the Philippines (YT).
“a. No. of identified areas with surveillance conducted and monitored. b. % of activities implemented without untoward security-related incident,” mababasa sa lahat ng kolum ng “Physical Target” ng PFP ng OVP mula huling kuwarter noong 2022, at una hanggang ikaapat na kuwarter noon namang 2023.
“Paulit-ulit po ito ano? So sabi ko kanina, kayo naman ay mukhang matalinong tao at matalinong witness, ano po ang analysis ninyo diyan? Very simply, paano ninyo i-a-analyze ang ganitong klaseng mga descriptions?” kuwestiyon ni Lacson.
“These are the activities that will be done,” tugon naman ng testigong si Lemuel Ortonio, kasalukuyang Assistant Secretary at Assistant Chief of Staff ng OVP.
Urirat ni Lacson, tila insulto raw sa usapin ng “common sense” ang hindi man lang umano binagong activities sa “Physical Target” sa PFP ng confidential funds ng OVP na may halagang ₱125 milyon bawat kuwarter.
“I know. Kung i-a-analyse ninyo, ano ang ibig sabihin nito? Hindi po ito insulto sa common sense? Hindi man lang n’yo binago ng konti. At least si Col. Lachica siguro ito,” aniya.
Dagdag pa niya, “Unang-una, regular program. Sana man lang pagdating sa PFP, binago n’yo naman… tapos under the ‘Physical Target,’ ‘yong column, sana man lang binago ninyo ‘yong activities. Copy & paste, e.”
Pagtatanong pa muli ni Lacson, “Again, uulitin ko, ang tingin sa inyo, matalinong tao [at] matalinong witness. Ano ang tingin n’yo rito kung ide-describe n’yo in one word?”
“Sir, I cannot–” tila hindi naman natapos ni Ortonio ang kaniyang kasagutan nang unahan siya ng senador.
“O, ako na ang magde-describe. I think it is stupid. Sana man lang binago-bago n’yo nang kaunti,” pagtatapos pa ni Lacson.
KAUGNAY NA BALITA: Pangilinan, inurirat testigo kung 'usual’ ang pagbibigay ng ₱122M sa informants!
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara sa mga tumawag sa kaniya ng 'mastermind of a scam,' 'brat': ‘Prove it with evidence!’