Binira ni Vice President Sara Duterte ang mga prosecutor at testigong tumawag umano sa kaniya ng “mastermind of a scam” at “brat” na patunayan daw ng mga ito ang kanilang sinasabi nang may basehan at ebidensya.
Sa inilabas na pahayag ni VP Sara sa kaniyang Facebook page nitong Miyerkules, Agosto 26, 2026, sinabi niyang dapat daw na patunayan ang mga impeachable offense laban sa kaniya sa pamamagitan ng paglalabas ng mga ebidensya at hindi sa paraan ng pang-iinsulto, espekulasyon, o political theatrics.
Ani VP Sara, dapat umanong maging kumpyansa ang mga miyembro ng Kongreso na nagsusulong ng impeachment complaints laban sa kaniya at hindi raw para tila pilit gumawa ng “wild stories” upang patunayan ang mga alegasyong idinidiin ng mga ito.
“Prosecutors and members of Congress who want to legitimize the two impeachment complaints—filed without a shred of evidence—should be confident in the strength of the case,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “They should not be fishing for evidence during the trial or desperately try to turn something they wish to be true into a wild story of alleged wrongdoing.”
Ani VP Sara, wala umanong napatunayang kaso o ebidensya ang mga abogado at testigong tumawag sa kaniya ng “mastermind of a scam,” at “brat,” maging ang senator-judge na tumirada umano ng “stupid” sa hostile witness.
“A strong case does not need the adornment of theatrics. A Senator calling a witness ‘stupid,’ a lawyer calling me the ‘mastermind of a scam’ or another witness referring to me as a ‘brat,’ does not prove a case, nor does it produce evidence. Insults reveal the need to feign confidence in the face of a weak presentation,” aniya.
Diin ni VP Sara, lubog na raw ang bansa dahil sa kahirapan pero nananatili pa rin umanong prayoridad ng administrasyon ang impeachment trial laban sa kaniya, paghahati-hati ng budget para sa 2027, at pagbabago sa Konstitusyon upang manatili raw sa puwesto ang mga nakaupo.
“Mga kababayan, lubog na ang bansa sa baha at kahirapan, pero tila walang mananagot, dahil ang impeachment, ang paghati-hatian ang 2027 budget, at ang paghahanda kung papaano baliin ang Constitution para manatili sa puwesto ang prayoridad ng administrasyon at lahat ng kaalyado nito,” pagtatapos niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon ang pamahalaan kaugnay rito.
Matatandaang harapang binanatan ni Senator-Judge Raffy Tulfo ang hostile witness na si Gina Acosta, dating Special Disbursing Officer (SDO) ng Office of the Vice President (OVP), na estupida umano ito sa ngalan ng “blind loyalty” sa impeachment trial noong Lunes, Agosto 24, 2026.
Habang inihayag naman sa publiko ng private prosecutor na si Atty. Mar Divinagracia noong Martes, Agosto 25, 2026, na patuloy raw ang paggamit ng prosecution panel ng terminong “scam” sa isyu ng confidential funds sa OVP dahil naniniwala umano sila na si Vice President Sara Duterte ang “mastermind” sa naturang mga alegasyon.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Raffy kay Gina Acosta: 'You are stupid in the name of blind loyalty!'
KAUGNAY NA BALITA: Atty. Divinagracia, nilinaw nag-viral na hawak na Krus sa impeachment trial