August 24, 2026

Home BALITA National

Sen. Raffy kay Gina Acosta: 'You are stupid in the name of blind loyalty!'

Sen. Raffy kay Gina Acosta: 'You are stupid in the name of blind loyalty!'
Photo courtesy: Senate of the Philippines

Harapang binanatan ni Senator-Judge Raffy Tulfo ang hostile witness na si Gina Acosta, dating Special Disbursing Officer (SDO) ng Office of the Vice President (OVP), na estupida umano ito sa ngalan ng “blind loyalty.” 

Kaugnay ito sa tila paniniwala umano ni Acosta sa sinabi ni dating Vice Presidential Security and Protection Group (VPSG) head na si Col. Raymund Dante Lachica na “sensitive information” at “confidential in nature” umano ang pagkakaroon ng maraming pangalan ng informants of recipients ng confidential funds ngunit tila iisa raw ang signature ng mga ito noon. 

Sa intervention ni Tulfo sa ikinasang ika-17 na araw ng Senate impeachment trial nitong Lunes, Agosto 24, 2026, kinuwestiyon muna ng senator-judge si Acosta kung maituturing ba raw niyang “smart,” “average,” o “stupid” ang kaniyang sarili. 

Sinaad naman ni Acosta na nasa “average” lang umano ang lebel niya bilang indibidwal at sinang-ayunan naman ito ni Tulfo kagaya naman daw ng milyon-milyong Pilipino. 

Urirat ni Tulfo, kung “average” o normal si Acosta, hindi ba raw ito nagtaka at kinuwestiyon si Lachica kaugnay sa mga bagong lumitaw na recipients ng confidential funds na sina “Xuniso P. Belat,” “Antonio Pagong,” “Timon Andrew Pusa.” 

National

Sen. Jinggoy Estrada, pinayagang magpa-X-ray ng tuhod

“Kasi sa isang normal na tao kapag siya’y binigyang, bilang SDO tulad sa inyo, ng isang listahan ng pangalan ng mga informants na “Belat,” “Pagong,” at “Pusa,” papalag ka. ‘Ano ba ito Colonel parang hindi na ata tama ito, bastusan na ito sa normal na tao,’” anang senador. 

Depensa ni Acosta, nagtuon lang umano siya sa isinumiteng mga recipients ni Lachica noon. 

Tirada ni Tulfo, “Meron akong kopya ako rito na kung saan maraming pangalan ng mga informant na iisa lang po ‘yong pirma. So if you are normal person, papalag ka na naman. ‘Teka muna, Colonel, bakit ganito? Bastusan na ito, lokohan na ito.’ ‘Yong iba-ibang mga pangalan pero iisa lang po ang pirma, hindi po kayo nagtaka?” 

Tugon ni Acosta, tinanong naman daw niya si Lachica kaugnay sa usaping ito at sinabi umano ng huli na “sensitive information” at “confidential in nature” ang naturang mga informants o recipients ng confidential funds. 

Kuwestiyon ni Tulfo, “So naniniwala po kayo sa sinabi niya na confidential in nature kahit na iisa lang ang signature sa napakaraming pangalan? So you take his words for it?” 

Anang testigo, “Siya po ang nag-implement sa mga confidential activities on the grounds. Siya po ang inatasan na mag-implement, siya po ang implementor po” 

Bira ni Tulfo, masasabi niya raw, sa usaping ito, na “stupid in the name of blind loyalty” si Acosta. 

“So for me, in this case, you are stupid in the name of blind loyalty… Nagiging estupido kayo sa ngalan ng isang tinatawag na ‘blind loyalty.’ Nakapikit. Kung ano ‘yong sinasabi sa iyo ng nakakataas , sinusunod mo na lang. Estupido ka pa rin pero in the name of blind loyalty,” aniya. 

Saad ni Acosta, “Dili ko maintindihan, Your Honor. I’m sorry.” 

Samantala, nang matanong naman ni Tulfo si Acosta kaugnay sa dahilan kung bakit nagkaroon daw ng disallowances ang OVP sa pamumuno ni VP Sara, ngunit hindi naman daw ito nangyari noong alkalde pa lang ng Davao City ang bise presidente. 

“Ang maaalala ko lang… sa Davao po, mag-submit po kami ng report doon po sa DILG, hindi po sa Office of the President, sa Senate, at saka sa HOR,” paglilinaw ni Acosta. 

Giit pa ng testigo, hindi na rin daw niya maalala kung may mga recipient na nagngangalang “Piattos,” “Belat,” “Pagong,” “Pusa,” at iba pa sa pondo ng Davao City noon sa ilalim ng pamumuno ni VP Sara. 

KAUGNAY NA BALITA: OVP, nakapag-tree planting nitong 2026 kahit walang confidential funds