Pinag-aaralan ng Davao City government ang pagtatayo ng isang centralized data center na magsisilbing pangunahing pasilidad para sa mga server at sensitibong impormasyon ng pamahalaang lungsod.
Tinalakay ng City Information Technology Center (CITC) at Sangguniang Panlungsod ang panukala nito kamakailan, kabilang ang cybersecurity, backup power, data migration at pagpili ng lugar para sa pasilidad.
Ayon kay Diosdado Lopez, acting network head ng CITC, nasa 17 hanggang 19 server rooms ang kasalukuyang ginagamit ng iba't ibang tanggapan ng city government.
Sa pamamagitan ng centralized data center, pagsasama-samahin ang mga server upang mas mapadali ang kanilang pamamahala at seguridad.
Kabilang sa mga impormasyong bibigyang proteksiyon ang taxpayer records at civil registry data gaya ng birth, marriage at death records.
Ipinunto naman ng mga konsehal ang mga posibleng panganib sa pagsasama-sama ng mahahalagang government data sa iisang pasilidad, kabilang ang cyberattacks, pagkasira ng kagamitan, sunog at lindol.
Tiniyak ng CITC na magkakaroon ng redundancy measures at external backups upang hindi tuluyang mawala ang data sakaling magkaroon ng problema sa pangunahing pasilidad.
Iminungkahi ni Councilor Bonz Andrei Militar, chair ng Committee on Information Technology, na magkaroon ng high-security facility sa halip na dagdagan lamang ang mga server sa loob ng City Hall.
Bukod sa kasalukuyang government records, maaari ring gamitin ang pasilidad para sa data mula sa agriculture, land management, disaster management at iba pang operasyon ng lungsod.
Bahagi rin ng plano ang paglalagay ng uninterruptible power supply, standby generators at posibleng solar power system na may battery storage. Ayon kay Councilor Lorenzo Villafuerte ang pagkakaroon ng redundant emergency power systems, na sinang-ayunan ng CITC.
Para sa seguridad at proteksyon ng kagamitan, inaasahang magkakaroon ang pasilidad ng precision cooling, restricted entry, biometric o facial-recognition access, CCTV, at mga sistema laban sa sunog at lindol.
Mayroon nang trained personnel at contractual cybersecurity specialists ang CITC, ngunit isinusulong din nito ang conversion bilang regular na city department. Inirekomenda ng mga miyembro ng konseho ang paglikha ng permanenteng technical positions dahil sa sensitibong impormasyong hahawakan ng pasilidad.
Nanatili namang pinag-aaralan ang panukala habang hindi pa pinal ang pondo, lokasyon at disenyo ng itatayong centralized data center.