Ipinapanawagan ni Sen. Bam Aquino ang pagpapasa ng School Safety Act bilang suporta at pagprotekta hindi lamang sa mga mag-aaral, kung hindi pati na rin sa mga kaguruan at personnel ng mga paaralan.
Sa isang Facebook post na ibinahagi ni Sen. Bam nitong Huwebes, Agosto 27, idiniin niyang ang mga ito raw ang unang inaasahang gagabay at poprotekta sa mga mag-aaral sa panahon ng panganib.
“Hindi lang mga estudyante ang dapat protektado sa paaralan. Dapat protektado rin ang ating mga guro at school personnel,” panimula ni Sen. Bam.
Aniya, “Sa oras ng panganib o krisis, sila ang kabilang sa mga unang inaasahang kikilos, gagabay, at poprotekta sa ating mga estudyante. Pero hindi natin maaaring iasa lamang sa kanila ang ganitong kabigat na responsibilidad. Kung inaasahan nating poprotektahan nila ang ating mga anak, tungkulin din nating tiyaking handa, protektado, at suportado sila.”
“Kaya sa panukala nating School Safety Act, kasama ang training and capacity building, malinaw na protocols, legal assistance, at institutional support para sa ating mga guro at school personnel. Hindi sila dapat maiwang mag-isa sa pagharap sa mga banta, sa pag-alalay sa mga batang dumaranas ng trauma, o sa pagtupad ng kanilang responsibilidad sa loob ng paaralan,” dagdag pa niya.
Anang mambabatas, repsonsibilidad ng buong komunidad ang kaligtasan ng paaralan. Samakatuwid, lahat ng sektor ay may papel na ginagampanan dito.
“Ang school safety ay responsibilidad ng buong komunidad—ng mga paaralan, pamilya, barangay, LGUs, law enforcement, health professionals, at iba pang sektor. Lahat tayo may papel na dapat gampanan,” anang mambabatas.
“Para sa mga gurong araw-araw na nag-aalaga, gumagabay, at tumatayong pangalawang magulang sa ating mga anak: tungkulin din nating protektahan sila. Pass the School Safety Act now!” pagtatapos ni Sen. Bam.
Kaugnay nito, matatandaang ilang krimen at karahasan na ang napaulat na naganap sa loob ng mga paaralan sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kung saan sangkot ang ilang menor de edad na estudyante.
MAKI-BALITA: Grade 7 student, namaril umano sa loob ng classroom habang naka-live!-Balita
MAKI-BALITA: Menor de edad, namaril sa eskwelahan sa Tacloban City; 3 estudyante, todas!-Balita