Ang salitang “bigla” o “suddenly” ay maituturing na abala ng marami dahil sa pagkagambala ng mga planong nai-drowing na at inihahanda nang kulayan.
Biglang pagkaantala man ng sinasakyang tren o jeep o kaya’y biglaang pagkansela ng kaibigan sa galang matagal nang nakaplano.
Halos lahat ng biglaan sa buhay ay naiuugnay sa nasayang na effort, oras, at panahon.
Sa Bibliya ang “suddenly” ay isang positibong salita dahil sa mga himala ng Panginoon na biglang dumadating sa buhay ng isang Kristiyano matapos ang mahabang panahon ng kaniyang pagpapagal, pagdarasal, at paghihintay.
“O Panginoon, pakinggan mo ang dalangin ko, dumating nawa ang daing ko sa iyo! Huwag mong ikubli sa akin ang mukha mo sa araw ng kahirapan ko! Ang iyong pandinig sa akin ay ikiling, sa araw na ako'y tumatawag, agad mo akong sagutin!” - Mga Awit 102:1-2
Hindi katulad natin, “omniscient” o unlimited ang kakayahan ng Panginoon (Mga Awit 147:5).
Hindi nakukulong sa limitadong 24 na oras ang pakikinig at pagtugon Niya sa mga panalangin at hinaing natin sa buhay.
Hindi rin humihinto ang awtoridad Niya dahil nawawalan na tayo ng pananampalataya (2 Timoteo 2:13).
Ang Panginoon ay kilala bilang “Diyos ng Himala” dahil may kakayahan Siyang tuparin ang mga ipinagdarasal natin sa paraang hindi natin naiintidihan o kaya’y sa mga pagkakataong mukhang imposible na itong mangyari.
Sabi nga Niya sa Isaias 43:19, “Narito, ako'y gagawa ng isang bagong bagay;
ngayon iyon ay lalabas; hindi ba ninyo malalaman iyon? Gagawa ako ng daan sa ilang, at ng mga ilog sa disyerto.”
Kaya sa mga pagkakataong pinanghihinaan ka na ng loob, tandaang hindi nakakalimot sa panalangin ang Panginoon.
Tandaan ding sa mga panahong ito, hindi Siya natatakot o nalilito sa mga bagay na hinihingi nating sa tingin natin, masyadong malaki at imposible.
Dahil ang Panginoon ay Diyos ng himala at sa kabutihan Niya, gagawa Siya ng paraan para maisakatuparan ang mga panalangin natin, pangangailangan man ito sa pera, kagalingan mula sa sakit, maayos at stable na trabaho, o pagkilala sa Kaniya ng isang minamahal sa buhay.
Sa paghihintay ng himala tandaan din itong pahayag na ito mula sa 2 Pedro 3:9, “Hindi mabagal ang Panginoon tungkol sa kanyang pangako, na gaya ng kabagalang itinuturing ng iba, kundi matiyaga sa inyo, na hindi niya ibig na sinuman ay mapahamak, kundi ang lahat ay dumating sa pagsisisi.”