Sa mga nagdaang siglo, humarap ang Pilipinas sa iba’t ibang pananakop, napasailalim sa kolonyal na pamamahala ng mga banyaga sa sariling bansa.
Sadyang maituturing na malupit na bahagi ng kasaysayan, na hindi na mabubura o maiiba pa.
Pero hindi rito nagtatapos ang pag-asang makamtan ang kalayaan, sapagkat tumindig ang mga bayani upang ipakita ang tapang ng mga Pilipino—na hindi ito magpapaapi o magpapasakop kanino man.
Noon lamang Miyerkules, Agosto 26, nagbahagi ng ilang punto si Senator-judge Robin Padilla hinggil sa kasaysayan ng bansa, sa gitna ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Nabanggit ni Padilla ang paggamit ng ilang mga bayani ng mga alyas, na tila inihalintulad niya sa kahalagahan umano ng alyas ng recipients ng confidential funds.
Giit naman ni private prosecutor Atty. Mae Divinagracia, hindi pinagbabawalan ang paggamit ng mga alyas—ngunit kailangan pa rin daw na nakalakip ang tunay na pagkakakilanlan ng tao, na siyang nakabatay sa Anti-Alias Law.
Idiniin din niyang hindi siya makapagkomento sa koneksyon ng paggamit ng mga bayani noon ng mga alyas sa kasalukuyan, dahil iba raw ang kinahaharap na sitwasyon ng dalawang isyu—dati raw ay may giyera.
Tanong naman ni Padilla, hindi raw ba maituturing na giyera ang laban ng gobyerno kontra sa New People’s Army (NPA).
“Wala po ba tayong giyera sa NPA? Ang NPA po merong mga alyas. Meron pong Ka-Cobra, Ka-Agila, Ka-Lawin, Ka-Tigre, Ka-Kapre, Ka-Sirena, Ka-Adobo, Ka-Sinigang, Ka-Pansit, Ka-Tinola, Ka-Sili, Ka-Kamote, Ka-Bawang, Ka-Labuyo. Lahat po ‘yan, ginagamit na alyas,” anang senator-judge.
Sagot naman ni Divinagracia, “Iba naman po ‘yong internal conflict, iba naman po ‘yong war.”
MAKI-BALITA: Sen. Robin, idiniing mahalaga alyas sa confidential funds tulad ng ginawa ng mga bayani-Balita
Dahil dito, bakit nga ba gumagamit ng mga alyas ang mga bayani noon?
Batay sa mga tala, maraming dahilan kung bakit nila ito ginagawa—nariyan ang isyu ng seguridad, at adhikaing ipadala sa mga Pilipino ang mensaheng nais nilang ipabatid.
PROTEKSYON KONTRA PAGKAHULI O EKSEKYUSYON
Ikinukubli ng mga bayani noon ang kanilang tunay na pagkakakilanlan para maiwasan nilang maaresto ng pamahalaang pinamumunuan ng mga mananakop.
Isa rin itong paraan upang malaya silang maging kritiko ng kolonyal na pamahalaan—nang hindi natutunton o nakikilala.
PROTEKSYON NG PAMILYA
Kung hindi makikilala dahil sa paggamit ng alyas, malaki ang tsansang hindi pagbuntunan ang pamilyang naiwan.
Ayon kasi sa mga tala, may mga pagkakataong ibinabaling ng pamahalaang kolonyal ang kanilang ganti sa pamilya ng kanilang mga kritikong gumagamit ng alyas.
MALAYANG PAGHAHAYAG NG DAMDAMIN O OPINYON
Dahil nakakubli, malayang naipadadala ang mga mensaheng laban sa kolonyal na pamahalaan.
Gayunpaman, may mga pagkakataong namamatahan ang ilang mga tao sa likod ng kanilang alyas—kung kaya’t ang ilan sa kanila ay gumagamit ng alternatibo upang maipagpatuloy ang pagpapadala ng mga mensahe.
SIMBOLISMO NG ADHIKAIN O PINAGMULAN
Ang ilang mga alyas ay hindi lamang ginagamit dahil gusto lamang—karamihan dito ay ginagamit bitbit ang mas mabigat o seryosong dahilan.
May mga bayaning gumagamit ng alyas depende sa kanilang adhikain, o ang iba naman ay gumagamit ng alyas na nakabatay sa kanilang pinanggalingang lugar.
ILAN SA MGA BAYANI AT KANILANG ALYAS
Jose Rizal - si Jose Rizal ay gumamit ng dalawang alyas: Laong Laan (nangangahulugang ‘ever prepared’ sa Ingles); at Dimasalang (nangangahulugang ‘untouchable’).
Andres Bonifacio - si Andres Bonifacio ay ginamit ang mga alyas na “May Pag-asa” at “Agapito Bagumbayan.”
Marcelo H. Del Pilar - Ginamit niya ang alyas na “Plaridel,” na ayon sa mga tala ay nanggaling sa “anagram” ng kaniyang apelyidong Del Pilar.
Antonio Luna - Gumamit naman si Antonio Luna ng alyas na “Taga-ilog.” Batay sa ilang mga tala, ang Taga-ilog ay ang ugat ng salitang “Tagalog.”
Emilio Jacinto - Sa panahon ng pananakop, gumamit si Emilio Jacinto ng mga alyas na “Dimasilaw,” upang sumulat sa mga pahayagan. Samantala, ginamit niya naman ang “Pingkian” sa Katipunan.
Graciano Lopez Jaena - Gumamit si Jaena ng alyas na “Diego Laura,” na itinuturing na “founder” ng pahayagang “La Solidaridad.”
Siya rin ang nagsilbing unang editor ng nasabing pahayagan, na nag-uulat ng mga pahayag hinggil sa naising reporma ng mga Pilipino sa ilalim ng pamahalaang kolonyal ng Espanya.