Inaasahang lima hanggang pitong tropical cyclone pa ang mabubuo o papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa mga natitirang buwan ng 2026, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa isang climate forum, sinabi ng PAGASA na dalawa o tatlong bagyo ang posibleng mabuo o pumasok sa PAR sa Setyembre, isa o dalawa sa Oktubre, isa o dalawa sa Nobyembre, at isa o dalawa sa Disyembre.
Posible rin ang isa pang bagyo sa Enero, habang maliit lamang ang posibilidad na magkaroon ng tropical cyclone sa Pebrero.
Kabilang sa mga natitirang pangalan sa 2026 list ng PAGASA ang Pilandok, Queenie, Rosal, Samuel, Tomas, Umberto, Venus, Yayang at Zeny.
KAUGNAY NA BALITA: '5 sama ng panahon mabubuo!' Alamin ang lagay ng panahon sa loob ng 2 linggo
Matatandaang lumabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong Obet noong Agosto 24. Habang binabantayan din ng weather bureau ang isang storm na nasa labas ng PAR, na kalauna'y nalusaw.
Karaniwang nagla-landfall at tumatawid sa bansa ang mga tropical cyclone sa huling quarter ng taon.
Ito ay dahil sa pagbuo ng malakas na high pressure area sa Northern Pacific na humaharang sa paggalaw ng mga bagyo patungong northwest sa panahon ng taglamig.
Gayunman, maaaring mabago ng umiiral na El Niño ang karaniwang galaw ng mga tropical cyclone.
Ang paglipat ng maiinit na karagatan patungo sa central at eastern portion ng Pacific Ocean ay maaaring magdulot upang bumaluktot ang ilang bagyo bago pa makapasok sa PAR.
Samantala, ang mga bagyong makararating sa bansa ay maaaring maging mas matindi at mapaminsala matapos bumiyahe nang mas matagal sa maiinit na karagatan.