Marami nang mga bayaning nakatala sa kasaysayan. Dumarami pa sa patuloy na pag-usad ng panahon. Ngunit noong mga nakalipas na taon, tila lumalabo ang kahulugan ng pagiging bayani. Tila nagiging madali na lang ibansag sa kung kani-kanino kahit hindi naman talaga karapat-dapat.
Matatandaang sa isang pagdinig sa Senado noong Hunyo ay tinawag ni Sen. Loren Legarda na "bayani" ang 18-ex Marines na naghatid umano ng male-maletang pera sa ilang politikong sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Ngunit kalaunan ay binawi rin ng apat sa mga ito ang kanilang salaysay.
Sa panahong tila madali na lang pekein at manipulahin ang mga naratibo, paano pa ba matitiyak ang kabayanihan ng isang tao?
Sa puntong ito, mahalagang balikan ang inilabas na resolusyon ng Board of Commissioners ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) noong Marso 2024.
Dito ay inilatag nila ang mga pamantayan na magsasabi kung karapat-dapat bang hirangin bilang bayani ang isang tao o hindi.
Kasama sa mga pamantayang ito ang isinakripisyo niya para sa kapakanan ng bansa, ang motibo at pamamaraan na ginamit para makamit ang dakilang hangarin.
Gayundin, siyempre, ang katangiang moral niya at ang impluwensiyang iiwan niya sa mga kaedad niya o sa mga susunod sa kaniya.
Samantala, maganda ring pagbatayan ang pagpapakahulugan ni Dr. Zeus Salazar sa konsepto ng bayani sa Pilipinas.
Si Salazar ang itinuturing na “Ama ng Makabagong Pilipinong Histograpiya” at “Ama ng Pantayong Pananaw.”
Ayon kay Salazar, ang mga Pilipino ay mula sa lahing Austronesyano. At ang esensyal na pundasyon umano ng pagiging Austronesyano ay ang mga wika. At sa bawat wika, kaakibat nito ang bawat kahulugang kultural.
Halimbawa raw nito ay ang salitang “bayani.” Mula raw ito sa Austronesyanong termino na "berani." Sa Tagalog, "bayani." Sa Mindanao, "bagani."
“Ang ibig sabihin niyan [ng bayani], 'warrior.' Pero warrior para sa bayan. Kumbaga, siya ang mandirigma ng bayan,” saad ni Salazar sa isang episode ng “The Filipino Story.”
Dagdag pa niya, “Bukod pa do'n, ang bagani rin ay nangangayaw. Ang katagang-ugat niyan ay 'kayaw'. Ang ibig sabihin niyan, maghanap ka ng kaginhawaan. Usually, lalabas ka ng bayan mo. At 'yong nakuha mo do'ng ginhawa, ibabalik mo sa bayan mo.”
Ito raw ang dahilan kung bakit binansagang “bagong bayani” ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs). Sa katunayan, remittances ng mga OFW ang bumubuhay sa naghihingalong ekonomiya ng Pilipinas ngayon.