August 25, 2026

Home FEATURES Human-Interest

#BalitaExclusives: Raketerong cum laude graduate, naniniwalang 'di dapat i-romanticize ang 'extreme poverty'

#BalitaExclusives: Raketerong cum laude graduate, naniniwalang 'di dapat i-romanticize ang 'extreme poverty'
Photo courtesy: Ariel Dome (FB)

“Poverty has always been a hindrance to success.”

Sa walong taon ng kaniyang paglalakbay sa kolehiyo, ito ang isa sa pinakamabigat na realidad na kinailangang harapin ni Ariel Beglilio Dome, isang Iskolar ng Bayan na nagtapos Cum Laude sa kursong BS Geography sa University of the Philippines (UP) Diliman, Class of 2026.

Ngunit para kay Dome, hindi dapat i-romanticize ang kahirapan bilang simpleng kuwentong kailangang pagdaanan bago makamit ang tagumpay.

Para sa kaniya, ang kahirapan ay isang tunay na hadlang—isang kalagayang naglalantad sa mga pagkukulang ng sistemang dapat sanang nagbibigay ng patas na pagkakataon sa bawat Pilipino.

“I vehemently refuse to glorify the extreme poverty that I went through," saad ni Dome, sa naging usap-usapang social media posts niya tungkol sa journey ng kaniyang pagtatapos sa kolehiyo.

Human-Interest

ALAMIN: Mga impormasyong hindi dapat i-share ng kabataan sa social media

Isinalaysay ni Dome ang mga pinagdaanan niya para makamit ang diploma ng pagtatapos ng pag-aaral, pero hindi ito madali.

Sa loob ng walong taon sa kolehiyo, hinarap ni Dome ang matinding hamon ng kahirapan. Para sa kaniya, ang poverty ay hindi lamang isang simpleng pagsubok na kailangang lampasan kundi isang malaking hadlang na maaaring makaapekto sa pagkakataon ng isang tao na makamit ang kaniyang mga pangarap.

Bata pa lamang daw siya, alam na niyang mahirap sila. Pinaglalako na raw siya ng gulay sa kanilang barangay. Lalo raw naramdaman ni Ariel ang hirap ng buhay nang maghiwalay ang mga magulang. Para makapag-aral at maitawid ang pang-araw-araw na pangangailangan, dito na raw pinasok ni Ariel ang iba't ibang raket, kagaya ng pagsama sa kapitbahay para magguna sa katubuhan, mamulak ng niyog para gawing kopra, o mag-upak ng bao ng niyog.

Naranasan din niyang maglayas at magpalaboy-laboy sa mga lansangan ng Maynila nang umalis siya sa poder ng tiyahin niya. 

Mula hayskul hanggang kolehiyo, pinasok ni Ariel ang iba't ibang trabaho kagaya ng pagiging balut vendor, tagahugas ng pinggan sa karinderya, tindero sa palengke, kargador, call center, at marami pang iba.

"Kung nairaos ko man ang UP, hindi ito dahil sa naging matatag, may pusong ayaw sumuko, o pursigido ako. Nairaos ko ito dahil may mga taong naniwala, may mga taong nagbukas ng pinto, at dahil may nakikita pa akong pag-asa na lahat ay maaaring magbago," aniya.

Bilang "Iskolar ng Bayan," nanawagan din siya ng ilang mga reporma para sa edukasyon, kagaya ng budget-cut, at pagtaas sa pondo ng mga state universities at colleges (SUCs) at sa kabuuang sektor ng edukasyon.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Ariel, nagbigay siya ng ilang updates tungkol sa kalagayan niya ngayon matapos ang graduation.

"Working naman po pero I prefer not to disclose po sana saan ako nag-wo-work but at the same time consultant din po sa mapping and currently trying na mag vlogs po sa GIS by doing tutorials in Filipino or Bisaya language," aniya.

Sa ngayon daw, masasabi niyang "malayo na pero malayo pa."

"Sa ngayon masayang-masaya ako sa mga bagay na naabot ko pero palagi ko lang pong iniisip na maging humble always and kind to someone. Kahit medyo nahihirapan pa dahil nagsisimula pa lang at may pinapaaral na kapatid kasama na ang pagsustento sa lola ko, kahit papano nakikita ko na nakakaginhawa na ng konti," aniya.

"At nakamit ko na ang ultimate dream ko noong bata ako na makapagtapos ng pag-aaral," dagdag pa niya.

Sa huli, ang kaniyang mensahe ay malinaw: hindi kailangang maging romantikong kuwento ang kahirapan para maging makabuluhan ang tagumpay. Mas mahalagang kilalanin ang mga hadlang na dulot nito at gamitin ang mga pagkakataong nabuksan upang makatulong na baguhin ang kalagayan ng iba.

Pagbati, Ariel!