PUNITIN ANG SEDULA!
Marahil ay pamilyar ang bawat Pilipino sa maikling katagang ito—mula sa mga kuwentong historikal, mula sa ilang mga pagtatanghal, o kaya naman ay sa mga asignaturang pangkasaysayan.
Ngayong Agosto 23, 2026, ginugunita ang ika-130 anibersaryo ng Sigaw ng Pugad Lawin, o ang makasaysayang pagsisimula ng rebolusyon ng Pilipinas laban sa pananakop ng mga Kastila.
Noong Agosto 23, 1896, matapang na pinunit nina Andres Bonifacio—kasama ang mga kapwa niya katipunero—ang kani-kanilang mga sedula, tanda ng pakikipaghimagsik kontra sa kolonisasyon ng Espanya sa Pilipinas.
Ngunit ano nga ba ang saysay ng sedula, at bakit ito pinunit?
Sa isang video na inilabas ng Quezon City Government sa kanilang Facebook page nitong Linggo, Agosto 23, mapapanood na ipinaliwanag ng public historian na si Prof. Xiao Chua ang kasaysayan ng nasabing kaganapan.
“Matapos ang unang pasya, ay naganap naman ang pagpunit ng sedula o ang ‘punitan.’ Karamihan sa mga primary sources o ‘yong mga tala ng mga nakakita noon, ay sinasabing ang punitan ng sedula ay nangyari din doon sa Kangkong, sa bahay ni Apolonio Samson,” saad ni Chua.
Aniya, “Subalit, ang isa sa kanila, si Dr. Pio Valenzuela ay nagsasabing dito naman ito naganap sa Pugad Lawin. Kontrobersyal po ang tindig ni Dr. Pio Valenzuela sapagkat wala ho sa alinmang mapa noon ang Balintawak, ang lugar na Pugad Lawin.”
“Naroon ang Kangkong, naroon ang Bahay Toro, pero wala ang Pugad Lawin. Subalit, ang Pugad Lawin marahil para sa kaniya ay isang pananda lamang—marahil isa itong puno na may pugad ng lawin,” dagdag pa niya.
KAHALAGAHAN NG SEDULA AT NG “PUNITAN”
“Saanman nangyari ang punitan ng sedula, ang mahalaga, ang kinakatawan ng lugar na ito. Tandaan natin po, ang sedula noon, o ‘yong tinatawag nating residence tax certificate, ito po ‘yong nagpapatunay na ikaw ay rehistrado sa pamahalaang kolonyal,” anang historian.
“Ibig sabihin po, ang kapirasong papel na iyon, na simbolo ng ating pagkaalipin, ay nangangahulugan ng buhay at kamatayan,” dagdag pa niya.
PAGPUNIT NG SEDULA AT ANG PAGKALIGTAS SA PAGKAALIPIN
“Sinabi ni Andres Bonifacio, ‘Kung gayon, ilabas ninyo ang inyong mga sedula personal, at punitin, tanda ng pagtalikod sa kapangyarihan.’ At naglabasan po ang sedula, at pinunit ito ng mga katipunero at sinabing ‘Mabuhay ang Katagalugan! Mabuhay! Ligtas na tayo sa pagkaalipin!” pagtatapos ni Chua.
Hindi mababago ang mga kaganapang nangyari sa kasaysayan, lalo na ang mga sakripisyo at pakikibaka ng mga Pilipino upang palayain ang bansa sa mga mananakop.
Isa itong paalala na dapat ipaglaban ng mga Pinoy ang tinatamasa nitong kalayaan, sapagkat bunga ito ng katapangan at walang hanggang pagmamahal ng mga bayani para makamtan lamang ang kasarinlan ng bayan.