Direktang inihayag ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla sa pagdinig ng Kamara na ang Davao City umano ang sentro ng flood control projects bago pa raw magsimula ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Sa naging pahayag ni Remulla sa pagdinig sa Committee on Appropriations ng House of the Representatives nitong Martes, Agosto 25, 2026, kinumpirma niyang nagsasagawa rin daw ng imbestigasyon ang Office of the Ombudsman sa anomalya ng flood control projects sa panahon ng mga nakaraan pang administrasyon.
Ani Remulla, nagpapatuloy raw ang kanilang imbestigasyon ngunit hindi raw talaga ito madali.
Diin niya, ang Davao City raw ang “epicenter” o sentro ng flood control projects bago pa man daw magsimula ang panunungkulan ni PBBM.
“Opo at hindi lang po madali talaga. Sapagkat, sabihin natin, ang epicenter ng flood control bago dumating ang Marcos administration ay Davao City,” pagsisimula niya.
Giit ni Remulla, mahirap pasukin ang “ecosystem of corruption” dahil hindi raw madali ang makakuha ng impormasyon at marami umanong indibidwal ang pinipiling huwag magsalita.
Pagtitiyak ni Remulla, ang Davao umano ang tinutukoy niyang “ecosystem of corruption.”
“Ang ecosystem of corruption po mabigat, mahirap pong pasukin, mahirap pong kumuha ng impormasyon, maraming tao ang hindi nagsasalita pero hindi po kami tumitigil,” aniya.
Dagdag pa niya, “Davao po ‘yong ecosystem na aming tinutukoy kasi doon po, maraming pondo na pumasok daw sa flood control. ‘Yan po ‘yong aming kinakalap nang husto.”
Paglilinaw naman ng Ombudsman, may ilan din daw na lalawigan sa bansa ang iniimbestigahan nila sa maanomalyang flood control projects bago pa man magsimula ang administrasyon ng kasalukuyang Pangulo.
“At meron pa pong mga lalawigan na aming tinitingnan sa panahong iyon upang makita ‘yong pattern kung saan nagsisimula ‘yong mga pattern,” saad niya.
“But I will not draw that conclusion immediately. Ito po ay pinag-aaralan namin kasi ang mahalaga po, makita namin ang ebidensya sa ground,” preno naman niya.
Samantala, hindi naman kinumpirma ni Remulla kung sa panahon ba ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang sinabi sabi niyang panahon kung saan sentro umano ng flood control projects ang Davao City bago pa magsimula ang Marcos administration.
KAUGNAY NA BALITA: Ombudsman sa ₱60B flood control sa Cebu: 'Is it the execution or is it just corruption?'
KAUGNAY NA BALITA: 'Gobyerno, 'di lang dapat tumutok sa baha sa Davao City’—VP Sara