Inihayag sa publiko ni Vice President Sara Duterte na hindi lang daw dapat sa Davao City tumutok si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., kaugnay sa usapin ng pagbaha.
Matatandaang inilahad ng Pangulo noong Hulyo 28, 2026, ang muling pagsisiyasat nila sa masterplan ng flood mitigation sa Davao City noong 2023 kaugnay sa usapin ng mga kaso ng bahang nararanasan sa naturang lugar.
Anang Pangulo, minamatahan na raw nila ang pakikipagtulungan ng gobyerno sa Japan International Cooperation Agency sa muling pagbubuo ang masterplan at feasibility study sa flood control projects sa Davao City upang mabawasan ang mga kaso ng pagbaha rito.
Sa naging pahayag naman ni VP Sara sa panayam sa kaniya ng media sa San Pedro Cathedral, Davao City, noong Huwebes, Agosto 6, sinabi niyang dapat daw na tutukan ng Pangulo ang lahat ng mga kaso ng pagbaha sa buong Pilipinas, sa halip matahan lang umano nito ang kanilang lugar.
“Dapat tutukan ng gobyerno ang baha sa lahat ng lugar ng Pilipinas, hindi lang sa Davao City,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Kasi meron ding baha sa Ilocos, meron ding baha sa Pampanga, sa Bulacan.”
Ani VP Sara, mapanganib at baka raw may maitala pang kaso ng mga nasawi sanhi ng pagbaha kung hindi matututukan ang mga low-lying area sa bansa sa gitna ng panahon ng tag-ulan at pagdaan ng mga bagyo.
“Lahat ng mga low-lying area sa panahon ng malakas na pag-ulan at bagyo ay kailangang tutukan. Dahil delikado na merong mamamatay dahil sa pagbaha.” aniya.
Pagpapatuloy pa ni VP Sara, Pangulo raw ng buong bansa si PBBM at hindi dapat na tumutok lang sa Davao City.
“Hindi lang Davao City. Dapat buong bansa. Dahil ang Pangulo naman ay Pangulo ng buong bansa,” pagtatapos niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na tugon, reaksyon, o pahayag si PBBM o maging ang Palasyo kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: 'Kasi kilala ko naman sila:' VP Sara, walang nakikitang aberya sa pagbisita kina Marcoleta, Estrada, Defensor!