Labing-anim na taon na ang nakalilipas nang isang ordinaryong araw sa Rizal Park ang mauwi sa isa sa mga pinakamasalimuot at pinakakontrobersiyal na hostage crisis sa kasaysayan ng Pilipinas, na pinag-usapan sa ibang bansa.
Noong Agosto 23, 2010, isang tourist bus na may sakay na 25 indibidwal ang kinubkob sa tapat ng Quirino Grandstand sa Maynila ng isang dating pulis na humihingi ng pagbabalik sa serbisyo.
Sa loob ng halos buong maghapon, na tumagal nang 11 oras, naging sentro ng atensyon sa local at international media ang isang bus na nakahinto sa gitna ng Quirino Grandstand. Ang negosasyon, paglabas ng ilang bihag, pagdating ng mga pulis at live television coverage ay sinundan ng publiko hanggang sa mauwi ang insidente sa madugong pagtatapos.
Nagsimula sa isang tourist bus
Sakay ng Hong Thai Travel tourist bus ang 22 Hong Kong tourists at tatlong Filipino travel personnel nang dumating sila sa Fort Santiago para sa kanilang pamamasyal sa Intramuros.
Sumakay sa bus si Police Senior Inspector Rolando Mendoza, isang dating pulis na tinanggal sa serbisyo.
Sa halip na simpleng makisakay, kalaunan ay idineklara ni Mendoza na bihag niya ang mga sakay ng bus at ipinahinto ito malapit sa Quirino Grandstand.
May dala siyang M-16 rifle at iba pang armas, habang ang pangunahing hinihingi niya ay pagbabalik sa serbisyo ng Philippine National Police (PNP).
Sa mga unang oras, nakipagnegosasyon ang mga awtoridad kay Mendoza at unti-unting nakalabas ang ilang bihag, kabilang ang mga bata at matatanda. Ilang hostage ang pinalaya bago sumapit ang hapon.
Sa puntong iyon, may pag-asang matatapos ang insidente nang mapayapa.
Ngunit nagbago ang lahat pagsapit ng gabi.
Habang tumatagal ang negosasyon, lalong naging tensiyonado ang sitwasyon.
Isa sa mga kontrobersiyal na bahagi ng operasyon ang pagkakasangkot ng kapatid ni Mendoza na si Gregorio Mendoza, na isa ring pulis at sinubukang makipag-usap sa kaniyang kapatid. Kalaunan, inaresto siya sa lugar.
Kasabay nito, patuloy na napapanood sa telebisyon ang mga pangyayari sa loob at paligid ng bus.
Pagsapit ng gabi, nagtangkang pasukin ng police assault team ang bus. Gumamit ang mga pulis ng mga martilyo upang basagin ang mga bintana at pintuan nito, habang nagpapaputok naman si Mendoza mula sa loob.
Sa gitna ng palitan ng putok, isa-isang natagpuan ang mga bihag na hindi na nakaligtas.
Napatay rin si Mendoza sa operasyon.
Sa huli, walong Hong Kong nationals ang nasawi, kabilang ang isang tour guide, habang ilang iba pa ang nasugatan.
Siyam ang kabuuang bilang ng mga nasabi, kasama na ang hostage-taker na si Mendoza.
Ang nangyari ay agad na tinawag na isang botched rescue operation at naging malaking dagok hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa relasyon ng bansa sa Hong Kong.
Live sa telebisyon ang trahedya
Isa sa mga hindi malilimutan sa insidente ay ang malawakang live coverage ng media.
Mula umaga hanggang gabi, napapanood ng publiko ang mga kuha sa hostage bus, ang mga kilos ng pulis at ang mga negosasyon.
Ngunit matapos ang insidente, naging paksa rin ng matinding debate ang paraan ng media sa pagko-cover nito.
Ayon sa South China Morning Post, naging kontrobersiyal ang live television coverage dahil sa posibilidad na ang mga impormasyong ipinapalabas ay nakikita rin ni Mendoza habang nagaganap ang krisis. Pinuna rin ang ilang broadcaster dahil sa umano'y paglabag sa mga pamantayan sa pagko-cover ng hostage-taking incidents.
Maging ang Incident Investigation and Review Committee o IIRC ay tumingin sa papel ng ilang personalidad at media organizations sa nangyari.
Imbestigasyon sa mga pagkukulang
Matapos ang trahedya, nagsagawa ang pamahalaan ng imbestigasyon upang tukuyin kung paano nauwi sa ganitong resulta ang isang hostage situation na unang lumilitaw na maaaring maresolba sa pamamagitan ng negosasyon.
Sa mga naging pagsusuri, lumitaw ang sunod-sunod na pagkukulang sa pamamahala ng krisis, operasyon ng pulisya at koordinasyon ng mga awtoridad.
Kabilang sa mga naging pananagutan ang ilang opisyal ng pulisya. Noong 2014, tuluyang tinanggal sa serbisyo si dating Manila Police District director Chief Superintendent Rodolfo Magtibay matapos siyang ideklarang responsable sa gross incompetence bilang ground o on-scene commander noong hostage crisis.
Samantala, iniutos noon ni dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III ang pagsasampa ng administrative charges laban sa ilang police officials, habang mas limitado ang naging hakbang laban sa iba pang inirekomenda ng IIRC para sa criminal investigation.
Sugat sa relasyon ng Pilipinas at Hong Kong
Hindi natapos ang epekto ng hostage crisis nang matapos ang operasyon.
Sa mga sumunod na taon, nanatiling mabigat ang usapin sa pagitan ng Pilipinas at Hong Kong dahil sa kahilingan ng mga pamilya ng mga biktima para sa opisyal na paghingi ng tawad, kompensasyon, pananagutan sa mga responsable at mga hakbang upang mapabuti ang kaligtasan ng mga turista.
Noong 2013, humingi ng paumanhin si noo'y dating pangulo at Manila Mayor Joseph Estrada para sa insidente, bagama't hindi ito agad tinanggap ng mga survivor at pamilya ng mga biktima.
Pagsapit ng 2014, nagkaroon ng kasunduan ang Pilipinas at Hong Kong kaugnay ng mga kahilingan ng mga biktima at kanilang pamilya. Nagpahayag ang pamahalaan ng Pilipinas ng “most sorrowful regret and profound sympathy” at nagbigay ng pakikiramay sa mga biktima at pamilya. Kasabay nito, inalis ng Hong Kong ang mga ipinataw nitong sanctions kaugnay ng insidente.
Hindi lamang isang hostage crisis
Sa paglipas ng panahon, ang August 23, 2010 hostage crisis ay nanatiling bahagi ng kolektibong alaala ng Pilipinas—isang insidenteng nagsimula sa hinaing ng isang dating pulis ngunit nauwi sa pagkamatay ng walong inosenteng tao.
Isa rin itong trahedyang nagbukas ng maraming tanong tungkol sa crisis management, police training, command structure, negosasyon, paggamit ng media sa hostage situations at pananagutan ng mga opisyal.
Basahin: BALITAnaw: Mga kontrobersiya, trahedyang nangyari sa Pilipinas sa kasagsagan ng Ghost Month