“Good Samaritan” na naturingan ang isang lalaki sa kahabaan ng Bagtikan St., Makati City, matapos niyang pakyawin ang mga paninda ng isang kakanin vendor dahil sa malakas na buhos ng ulan noong Miyerkules, Agosto 19.
Sa kuhang video ng netizen na si Gee Thompson, mapapanood na nilapitan ng nasabing lalaki ang kakanin vendor na abalang naglalagay ng takip sa mga natira niyang paninda sa kasagsagan ng malakas na hangin.
Makikita ring ipinamigay ng lalaki sa ilang dumadaan ang mga kakaning nabili niya, kasama rito ang isang ride-hailing app driver na napadaan sa harap niya.
Batay sa TikTok reel ni Thompson, umabot daw sa ₱500 ang napamiling mga kakanin ng lalaki.
Bago pa umalis ang lalaki, napagdasal din niya ang kakanin vendor na inililigpit na ang mga lalagyang laman ng kariton niya.
Sa comment section, mababasang lubos ang naging paghanga ng netizens sa lalaking tumulong sa kakanin vendor at saad ng ilan, “faith in humanity restored.”